MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Metro Manila Film Festival (MMFF) ang unang apat na opisyal na kalahok sa ika-52 edisyon ng prestihiyosong film festival, kasabay ng paglalatag ng mga bagong hakbang upang mas mapalawak ang pagdiriwang ng pelikulang Pilipino sa labas ng Metro Manila.
Sa ginanap na launching sa East Wing Atrium ng GH Mall sa San Juan City, sinabi ni Don Artes, chairman ng Metropolitan Manila Development Authority at overall chairman ng MMFF, na dalawang lungsod—San Juan at Mandaluyong—ang magsisilbing host cities ngayong taon, habang dadalhin din sa Bacolod ang inaabangang Parade of Stars at iba pang pangunahing aktibidad ng MMFF.
Mula sa 26 isinumiteng screenplay, apat ang napili bilang unang batch ng official entries batay sa kanilang technical at creative merit, commercial value, global appeal, at pagpapakita ng mga pagpapahalagang Pilipino.
Kabilang sa mga unang opisyal na entry ang “2nd Miracle in Cell No. 7,” isang family drama na pinagbibidahan nina Aga Muhlach at Xia Vigor sa direksyon ni Nuel Naval.
Kasama rin ang fantasy drama na “Amir,” na tampok sina Dennis Trillo, Will Ashley, Glaiza de Castro at Argus Aspiras, sa direksyon ni Zig Dulay.
Pasok din ang horror-thriller na “Haunted Carnival,” na pinagbibidahan nina John Arcilla, Julia Barretto, James Reid, Fyang Smith, RK Bagatsing, Ronnie Alonte at Maricel Soriano.
Samantala, inaasahang magiging isa sa pinakamalalaking tambalan sa festival ang comedy film na “The Greatest Showdown,” na unang pagsasamahin sa MMFF sina Vic Sotto at Vice Ganda sa direksyon ni Jun Robles Lana.
Inihayag din ni Artes na nagkasundo ang MMFF at ang Cinema Exhibitors Association of the Philippines (CEAP) na limitahan sa ₱299 ang pinakamataas na presyo ng sine ticket sa panahon ng festival na magsisimula sa Disyembre 25, 2026 hanggang Enero 2027. Aniya, maaari pang maging mas mababa ang presyo ng tiket lalo na sa mga lalawigan, depende sa desisyon ng mga producer at movie distributors.
Nagbabalik din ngayong taon ang Student Short Film Competition, na bukas na sa mga high school at college students sa buong bansa. Ang mga mapipiling limang minutong pelikula ay ipapalabas kasama ng walong opisyal na MMFF entries, habang ang mga mananalo ay tatanggap ng cash prizes at production grants mula sa Film Development Council of the Philippines at Film Academy of the Philippines. JAY REYES







