MANILA, Philippines – Umabot sa $104.803 bilyon ang gross international reserves (GIR) ng Pilipinas noong Hunyo, mas mataas kaysa $103.987 bilyon noong Mayo at pinakamataas sa nakalipas na tatlong buwan, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Ang GIR ay sukatan ng kakayahan ng bansa na magbayad ng angkat (imports) at utang panlabas. Sa kasalukuyan, sapat ito upang tustusan ang 6.8 buwang importasyon at katumbas ng 3.7 beses ng panandaliang utang panlabas ng bansa.
Ayon sa BSP, tumaas ang reserves dahil sa paglaki ng foreign currency deposits ng national government sa BSP at kita ng BSP mula sa mga pamumuhunan sa ibang bansa.
Gayunman, nabawasan ito ng pagbaba ng halaga ng gold holdings at foreign reserve assets, gayundin ng paggamit ng pamahalaan sa bahagi ng deposito nito para sa pagbabayad ng utang.
Tumaas ang foreign currency deposits sa $2.297 bilyon mula $831.7 milyon noong Mayo. Umakyat din ang other reserve assets sa $8.583 bilyon mula $6.261 bilyon.
Samantala, bumaba ang halaga ng gold holdings sa $17.194 bilyon mula $19.480 bilyon noong nakaraang buwan. Tumaas naman ang reserve position sa International Monetary Fund (IMF) sa $724.6 milyon mula $712.2 milyon. Bumaba rin ang Special Drawing Rights (SDRs) ng bansa kumpara noong Mayo. RNT/MDS