Home HOME BANNER STORY Unang witness sa impeachment trial walang personal na kaalaman sa ‘hitman’ ni...

Unang witness sa impeachment trial walang personal na kaalaman sa ‘hitman’ ni VP Sara

1
0

MANILA, Philippines – Inamin ng National Bureau of Investigation (NBI) Senior Agent na si John Mark Calilung na wala siyang personal na kaalaman tungkol sa umano’y hitman na sinasabing inupahan ni Vice President Sara Duterte upang patayin sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at iba pang indibidwal.

Sa ikatlong araw ng impeachment trial, sinabi ni Calilung sa ilalim ng cross-examination ni defense counsel Atty. Carlo Joaquin Narvasa na nalaman lamang niya ang umano’y banta matapos mapanood ang online media briefing ni Duterte noong Nobyembre 23, 2024.

Nilinaw niya na ang kanyang tungkulin ay imbestigahan lamang ang video at wala siyang personal na impormasyon tungkol sa umano’y hitman.

Nang tanungin ni Senator-judge Bam Aquino kung may ihaharap pang testigo kaugnay ng umano’y hitman, sinabi ng private prosecutor na si Amando Virgil Ligutan na oo, may iba pa silang ihaharap na testigo.

Ipinaliwanag din ni Calilung na sinimulan ng NBI ang imbestigasyon sa utos ng Department of Justice (DOJ), kahit wala pang pormal na reklamo. Aniya, ito ang kahulugan ng motu proprio sa kanilang isinagawang imbestigasyon.

Sa pagdinig, ilang beses ding tinutulan ng prosekusyon ang mga tanong ng depensa dahil umano’y argumentative, at pinaboran ni Senate Impeachment Court Presiding Officer Francis Escudero ang ilan sa mga pagtutol. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here