DASMARIÑAS CITY, Cavite — Patay sa pinangyarihan ng insidente ang isang pulis matapos barilin sa buy-bust operation laban sa hinihinalang mga tulak ng ilegal na droga sa Nido Street, Barangay San Esteban, Dasmariñas City, Cavite.
Kinilala ang nasawing pulis na si Police Corporal Anthony John Martinez y Sison, na nagtamo ng tama ng bala sa katawan mula sa hindi pa matukoy na baril.
Naaresto naman ang isa sa apat na suspek na kinilalang si alias Jeffrey, 41, construction worker at residente ng Dasmariñas City. Ayon sa pulisya, itinuturing siyang high-value individual.
Nakatakas ang tatlo pang suspek na kinilalang sina alias Vergilio, nasa hustong gulang at residente ng Dasmariñas City; alias Kristian, residente ng Baguio City; at alias Elias, residente ng Barangay Datu Esmael, Dasmariñas City.
Batay sa inisyal na ulat, dakong alas-11:40 ng gabi nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Regional Police Drug Enforcement Unit 4A. Nagpanggap na poseur-buyer ang isang pulis, kasama si Martinez.
Sa gitna ng operasyon, bigla umanong bumunot ng baril si alias Kristian at binaril si Martinez.
Ayon sa pulisya, ang tatlong nakatakas na suspek na sina alias Vergilio, alias Kristian, at alias Elias ay umano’y nagsasagawa ng pot session sa lugar.
Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang apat na transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng anim na gramo at nagkakahalaga ng tinatayang P40,800; drug paraphernalia; weighing scale; at P1,000 buy-bust marked money kasama ang boodle money.
Dinala ang mga nakumpiskang ebidensya sa Forensic Unit sa Calamba City, Laguna, habang pansamantalang nasa kustodiya ng Police Regional Drug Enforcement Unit 4A ang naarestong suspek. Margie Bautista