MANILA, Philippines – MAS pinaigting ng mga Lokal na Pamahalaan ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela ang kanilang paghahanda sa posibleng pananalasa ng Super Typhoon Bavi (Inday) para siguraduhin ang kaligtasan at kapakanan ng kanilang mga nasasakupan sa panahon ng emerhensiya.
Pinangunahan ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang Pre-Disaster Risk Assessment Meeting para matukoy ang mga priority areas at aligned response and contingency plans, pinakilos ang iba’t ibang departamento upang matiyak ang kahandaan ng lungsod at pinatanggal ang mga billboard
Ipinag-utos din niya ang pagtatalaga at paghahanda ng mga evacuation center para ma-accommodate ang mga residente kung kinakailangan ang preemptive o mandatory evacuation at tiniyak din na sapat ang suplay ng relief goods.
Sa Malabon, pinangunahan ni Mayor Jeannie Sandoval ang Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) meeting sa Malabon Command and Communication Center para tiyakin ang kahandaan at tuluy-tuloy na koordinasyon sa pagtugon sa kalamidad. Tiniyak din ng pamahalaang lungsod na gumagana ang 40 pumping stations, nakahanda ang 43 evacuation center, family food packs at iba pang relief supplies para sa mga pamilyang maaaring lumikas.








