MANILA, Philippines – ANG PANGANGAILANGANG iangkop ang pambansang seguridad sa mga kontemporaryong banta ang pangunahing mensahe ni Executive Secretary Ralph Recto sa paggunita sa anibersaryo ng National Security Council (NSC) at National Intelligence Coordinating Agency (NICA) nitong Martes.
Pinuri ni Recto ang “tahimik ngunit tapat” na paglilingkod ng NSC at NICA, at binigyang-diin na ang kalayaan ay dapat ipagtanggol sa pamamagitan ng matitibay na institusyon, disiplina, pagbabantay, at sakripisyo.
Sa pagbabalik-tanaw sa pagpasa ng National Defense Act ng 1935 at sa mga aral mula sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig, pinuri niya ang paninindigan ng mga Pilipino.
“From that dark chapter, we learned two enduring truths. First, that the love of freedom runs deep in the Filipino soul. Kahit kailan, hindi tayo pasisiil. And second, that threats to freedom are never as distant as we imagine,” ani Recto.
Binigyang-diin niya na ang anyo ng mga banta ngayon ay hindi na tulad ng tradisyunal na digmaan. Kabilang dito ang maritime harassment, disimpormasyon, cyberattacks, ekstremismo, at dayuhang panghihimasok na may lokal na anyo.
“It may begin with a ship blocking a Filipino fisherman… with a false story designed to make Filipinos distrust one another… with a cyberattack on a government system, a power grid, a bank, a hospital, or a school,” ayon sa Executive Secretary.
“A lie repeated a thousand times should not be allowed to defeat a truth spoken once,” dagdag pa niya.
Inilahad ni Recto ang kinakailangang tugon: ipagtanggol ang soberanya sa West Philippine Sea nang hindi naghahanap ng kaguluhan; palakasin ang kakayahan sa cyber at artificial intelligence; at protektahan ang impormasyong pampubliko habang iginagalang ang karapatang pantao.
“Our duty is not to choose between a safe nation and a free nation. Our duty is to build a nation strong enough to be both,” aniya.
Tinukoy din ni Recto ang pinalawak na suporta ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.: halos triple ang budget ng NSC mula sa simula ng administrasyon at halos dumoble ang budget ng NICA. Ito aniya, ay patunay sa tiwala at komitment ng administrasyon sa kahandaan. KRIS JOSE