MANILA, Philippines – Naresolba na ang insidente ng hit and run sa isang babaeng rider matapos maaresto ng mga tauhan ng Manila Traffic Enforcement Unit ang driver ng isang truck.
Kinilala ang biktima na si Neri Joy Matias, sales associate at residente ng Navotas City.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nangyari ang insidente bandang 11:17 ng gabi noong Hulyo 6 sa northbound lane ng Mel Lopez Boulevard nang pagsapit sa Delpan Flyover malapit sa Delpan Evacuation Center ay nabangga ang biktima.
Napinsala ang ulo ng biktima na nagresulta ng agarang niyang pagkamatay.
Ang pangyayari ay kumalat sa social media sa pamamagitan ng post ng kamag-anak kung saan ipinanawagan ang hustisya sa pagkamatay ng biktima at mahuli ang nasa liked ng hit and run.
Sa follow up operation ng MTEU, natunton at naaresto ang driver ng truck na si John Raymond, 34 anyos.
Ayon sa suspek, hindi niya napansin na mayroon siyang nasagasaan.
Mahaharap ang suspek sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property. Jocelyn Tabangcura-Domednen