MAYNILA – Malugod na tinatanggap ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang mga grupong magsasagawa ng mapayapang protesta, ngunit nagbabala si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na hindi nito palalampasin ang anumang kaguluhan at paninira ng pampubliko o pribadong ari-arian.
Sa command conference ng Manila Police District (MPD) nitong Huwebes, iginiit ni Domagoso na nananatiling mataas ang tolerance ng lungsod sa mga nagra-rally, subalit agad na kikilos ang mga awtoridad laban sa sinumang lalabag sa batas.
Ipinaalala rin ng alkalde na ang mga nais magsagawa ng pagtitipon sa mga lugar na nangangailangan ng permit ay dapat munang kumuha ng kaukulang pahintulot, habang malaya namang makapaglulunsad ng protesta sa mga itinalagang Freedom Park nang hindi na kinakailangang humingi ng permiso sa City Hall.
Binigyang-diin ni Domagoso na ang kalayaan sa pagpapahayag ay may kaakibat na pananagutan sa pagpapanatili ng kaayusan at kalinisan.
Aniya, dapat dumating ang mga rallyista nang mapayapa at malinis, at ganoon din silang umalis matapos ang kanilang programa.
Mahigpit ding binalaan ng alkalde ang sinumang maninira ng mga traffic signal, automated teller machine (ATM), mga establisimyento at iba pang ari-arian dahil hindi aniya ito bahagi ng lehitimong pagpapahayag ng saloobin.
Iginiit din ni Domagoso na dapat igalang ng mga nagpoprotesta ang karapatan ng ibang mamamayan na malayang makadaan at makapagtrabaho, dahil ang mga lansangan ay para sa lahat at hindi lamang sa iilang grupo.
Kasabay nito, sinabi ng alkalde na magpapakalat ang lungsod ng mga tauhan mula sa Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department (MCDRRMD), Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), at mga medical team upang tiyakin ang kaligtasan at kaayusan sa mga isasagawang kilos-protesta.
Pinuri rin ni Domagoso ang pamunuan ng Manila Police District sa pangunguna ni Acting District Director PBGen. Arnold C. Santiago dahil sa patuloy na pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lungsod ng Maynila. JAY Reyes