Home NATIONWIDE Kaligtasan, seguridad ng estudyante, palalakasin ng School Safety Act – Bam

Kaligtasan, seguridad ng estudyante, palalakasin ng School Safety Act – Bam

1
0

MANILA, Philippines – Sa gitna ng maraming karahasan na nangyayari sa loob at labas ng paaralan, sinimulan ng Senado ang pagdinig sa panukalang School Safet Act upang palakasin ang mekanismo at sistema para sa kaligtasan at seguridad ng mag-aaral sa lahat ng paaralan.

Sa pahayag habang dinidinig ang naturang panukala, sinabi ni Aquino, chairman ng Senate committee on basic education, na dapat manatiling lugar ng pagkatuto at pag-asa ang lahat ng paaralan, at hindi dapat mamayani ang takot at karasahan sa alinmang lugar.

“Dapat manatiling lugar ng pagkatuto at pag-asa ang mga paaralan, hindi ng takot,” ayon kay Aquino.

Binigyang-diin ito ni kasabay ng pagsisimula ng pagtalakay ng Senate Committee on Basic Education, na kanyang pinamumunuan, sa panukalang School Safety Act na naglalayong palakasin ang kaligtasan at seguridad sa lahat paaralan.

Sa kanyang opening statement, sinabi ni Aquino na kailangan na agarang palakasin ang mga polisiya upang higit na maprotektahan ang mga estudyante, guro, at iba pang kawani ng paaralan sa harap ng sunod-sunod na mararahas na insidente sa mga paaralan.

“Nandito po tayo dahil naniniwala tayo na ang mga paaralan ay dapat maging lugar ng pagkatuto at hindi ng takot. At lugar kung saan may kumpiyansa ang mga bawat magulang na ligtas na makakauwi ang kanilang mga anak na pumasok sa paaralan,” wika ni Aquino.

Ayon sa Senador, layunin ng pagdinig na alamin kung sapat pa ba ang umiiral na mga batas, polisiya, at programa upang mapanatiling ligtas ang mga paaralan, at tukuyin ang mga repormang makatutulong upang maiwasang maulit ang mga trahedyang naganap sa Tacloban City at Aurora.

“Nandito tayo dahil gusto po nating matiyak na ang mga nangyari sa Tacloban, sa Aurora, at sa iba pang bahagi ng bansa ay hindi na mauulit muli,” ani Aquino, na tinutukoy ang pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong estudyante at sa pagkalunod ng dalawang basketball player ng Ateneo de Manila University sa isang team-building event sa Aurora.

“Nandito tayo dahil panahon nang tanungin ang ating mga sarili: Sapat na ba ang ating mga batas, mga polisiya, mga programa upang mapanatiling ligtas ang ating mga paaralan?” dagdag niya.

Sinabi ni Aquino na ang panukalang School Safety Act ay nagbago mula sa pagiging panukalang laban sa bullying tungo sa isang komprehensibong panukala na naglalayong palakasin ang seguridad sa loob at labas ng mga paaralan.

Kabilang sa mga mungkahi nito ang pagpapalawak ng paggamit ng CCTV at iba pang angkop na hakbang sa seguridad, pagpapahusay ng emergency response protocol, pagpapalakas ng mga serbisyo para sa mental health at psychosocial support, at mas matibay na koordinasyon sa pagitan ng mga paaralan, lokal na pamahalaan, at mga law enforcement agency.

“Ang school safety ay hindi lamang responsibilidad ng DepEd o ng paaralan. Responsibilidad po ito ng whole of nation. Responsibilidad po ito ng buong bansa. Responsibilidad ng mga magulang, ng komunidad. At higit sa lahat, responsibilidad po ng bawat isa sa atin dito,” sabi ni Aquino.

“Sa huli, utang po natin sa ating mga kabataan ang mga paaralang ligtas at nagbibigay ng pag-asa. Utang ho natin sa ating mga guro ang isang ligtas na lugar upang makapagturo. At utang ho natin sa bawat magulang ang katiyakang ginagawa natin ang lahat upang maprotektahan ang kanilang mga anak,” dagdag pa niya.

Personal na nakiramay si Aquino sa mga pamilya ng tatlong estudyanteng nasawi sa pamamaril sa paaralan sa Tacloban City at tiniyak na gagawing prayoridad ang pagsasabatas ng School Safety Act upang makatulong na gawing ligtas na lugar ang mga paaralan para sa mga estudyante, guro, at iba pang kawani ng mga eskuwelahan. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here