MANILA, Philippines – Sinuspinde ang pasok sa mga paaralan sa ilang lokal na pamahalaan sa Cebu kasunod ng ashfall nitong Huwebes ng umaga, Hulyo 9 mula sa pagputok ng Bulkang Kanlaon.
Kabilang sa mga nagdeklara na walang pasok sa lahat ng antas sa mga paaralan ay ang mga lungsod ng Cebu, Mandaue, at Lapu-Lapu, at munisipalidad ng Minglanilla, Pinamungajan, Aloguinsan, Asturias, Consolacion, at Cordova.
Sinuspinde rin ang pasok sa mga opisina ng pamahalaan sa Toledo City.
Nakaharap ang Toledo City sa Negros Island kung saan matatagpuan ang Bulkang Kanlaon, na naapektuhan ng volcanic ashfall.
Hinimok ng lungsod ang mga residente, lalo na ang mga matatanda, buntis, mga bata at mga indibidwla na may sakit sa puso o baga na manatili sa loob ng bahay at magsuot ng face masks kung lalabas.
Samantala, sinuspinde naman ni Cebu City Mayor Nestor Archival ang pasok sa mga pampubliko at pribadong paaralan ‘until further notice’ bilang pag-iingat sa ashfall.
Inatasan na ang Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Office (CCDRRMO) na suriin ang sitwasyon.
“As a precautionary measure, and out of utmost concern for the health, safety, and welfare of our pupils and students, classes at all levels, both in public and private schools in Cebu City, are hereby suspended until further notice,” saad sa pahayag ni Archival. RNT/JGC