Home NATIONWIDE Efren Nemeño nanumpa bilang pinuno ng BJMP

Efren Nemeño nanumpa bilang pinuno ng BJMP

2
0

MANILA, Philippines – Pormal na nanumpa sa tungkulin ngayong araw ng Huwebes, Hulyo 9, si Jail Director Efren Altamira Nemeño bilang bagong pinuno ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Pinangunahan ni Secretary of the Interior and Local Government (SILG) Juanito Victor C. Remulla ang seremonya ng pagkakabit ng ranggong two-star at ang opisyal na panunumpa ni Jail Director Nemeño na ginanap sa Quezon City Reception House ngayong umaga.

Sa kanyang mensahe, hinamon ni SILG Remulla si Nemeño na makuha ang respeto ng buong pwersa ng BJMP at mamuno nang may integridad.

“Tandaan ninyo, Sir, ang lahat ng mga kawani rito ay umaasa sa inyong pamumuno; umaasa sa pamumunong nagpapakita ng magandang halimbawa,” pahayag ni Remulla.

Itinalaga ng Pangulo si Jail Director Nemeño bilang bagong pinuno ng BJMP matapos magtapos ang termino ng papalitang pinuno na si Jail Director Ruel Rivera.

Bilang isang beteranong lider sa ahensya, nagsilbi noon si Nemeño bilang Warden ng Cebu City Jail at namuno sa iba’t ibang tanggapang panrehiyon bilang Regional Director.

Bago ang kanyang pag-upo sa pinakamataas na posisyon, itinalaga siya bilang Deputy Chief for Operations ng BJMP noong Hulyo 17, 2023, kung saan pinangasiwaan niya ang mga programa ng ahensya sa seguridad at rehabilitasyon.

Kaugnay nito nangako si Nemeño na tutugunan ang problema sa pagsisiksikan sa mga kulungan, lalabanan ang korapsyon, at titiyakin ang prinsipyo ng merit at kakayahan sa lahat ng mga administratibong hakbang.

Binigyang-diin niya ang panibagong dedikasyon sa mandato ng BJMP na magbigay ng ligtas, makatao, at nakatuon sa repormang mga pasilidad ng kulungan sa buong bansa.

Samantala pamumunuan niya ang mga dedikadong kawani ng BJMP sa pamamahala at pagbabago ng buhay ng mga persons deprived of liberty (PDL) na nakakulong sa iba’t ibang pasilidad sa buong bansa. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here