Bulacan – Arestado sa buy-bust operation ng pulisya ang dalawang indibiduwal na miyembro ng grupong sangkot umano sa pagtutulak ng iligal na droga at pagnanakaw sa lungsod ng San Jose Del Monte (SJDM) Hulyo 9.
Sa ulat ni PLTCOL Reyson Bagain, hepe ng SJDM police station, kinilala ang suspek na sina alyas “Toto”, 53, lider ng Batingan Group, alyas “Pengas”, 42, kapwa PNP-PDEA target-listed personalities.
Ayon sa ulat, ikinasa ang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng City Drug Enforcement Unit ng istasyon at Provincial Intelligence Unit ng Bulacan police laban sa mga target sa Brgy. Gumaoc West.
Nakumpiska sa mga suspek ang nasa 10 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P68,000.00, buy-bust money, caliber .45 pistol, apat na bala at iba pang ebidensya.
Nahaharap ang mga suspek sa kaukulang kaso habang nasa kustodiya ng himpilan ng pulisya. Dick Mirasol III