MANILA, Philippines – Maaaring humingi ng tulong sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga pamilyang nahihirapang tustusan ang gastusin sa burol at libing ng namatay na mahal sa buhay.
Ibinibigay ang funeral assistance sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng DSWD.
Nilinaw ng ahensya na maaari ring mag-apply para sa funeral assistance ang isang pamilya kahit nakatanggap na ito dati ng medical assistance, basta hiwalay ang pangangailangan at pasado sa assessment ng DSWD social worker.
Hindi awtomatikong makatatanggap ng tulong ang aplikante dahil susuriin muna ng social worker ang kalagayan ng pamilya at ang naaangkop na assistance.
Mga kailangang dokumento
Kailangang magpakita ang aplikante ng valid ID na may larawan, tamang pangalan at pirma.
Kailangan din ng death certificate o certification mula sa ospital o doktor. Maaari ring tanggapin ang certification mula sa Imam para sa Muslim applicants o tribal chieftain para sa Indigenous Peoples.
Para naman sa funeral expenses, maaaring magsumite ng alinman sa sumusunod:
-Funeral contract o agreement mula sa funeral service provider;
-Statement of account mula sa funeral home; o
-Barangay certification kung ang pamilya mismo ang gumawa ng kabaong ngunit may natitirang gastusin sa materyales at iba pang bayarin.
Maaari ring humingi ang DSWD ng karagdagang dokumento depende sa sitwasyon.
Halimbawa, kailangan ng transfer permit kung dadalhin ang labi sa ibang lalawigan, habang promissory note o certificate of balance naman kung may natitirang bayarin sa funeral home.
Ayon sa AICS guidelines, maaari ring kailanganin ang Social Case Study Report, partikular sa assistance na nagkakahalaga ng P10,000 pataas.
Paano ibinibigay ang tulong?
Kung Guarantee Letter ang gagamitin, direktang babayaran ng DSWD ang funeral service provider sa halip na ibigay nang cash sa aplikante.
Walang iisang nakatakdang halaga ng funeral assistance dahil nakadepende ito sa pangangailangan ng aplikante at sa assessment ng DSWD social worker.
Pinapayuhan ang mga nais mag-apply na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na DSWD Field Office, Social Welfare and Development Office o satellite office para sa kumpletong requirements at proseso. Santi Celario