Home METRO Alamin: Mga sarado, alternatibong daan sa Maynila para sa rally

Alamin: Mga sarado, alternatibong daan sa Maynila para sa rally

2
0

MANILA, Philippines – Magpapatupad ang Manila Police District ng road closures at rerouting scheme sa ilang bahagi ng Maynila sa Biyernes, Hulyo 10, 2026, dahil sa inaasahang kilos-protesta ng United People’s Initiative.

Kabilang sa mga apektadong lugar ang Liwasang Bonifacio, Mendiola, at Ayala Bridge.

Magsisimula ng alas-2 ng hapon ang pagsasara ng mga kalsada sa paligid ng Liwasang Bonifacio. Saklaw nito ang Magallanes Drive mula Jones Bridge hanggang McArthur Bridge; southbound lane ng McArthur Bridge mula Plaza Lacson hanggang Liwasang Bonifacio; southbound lane ng Quezon Boulevard mula A. Mendoza/Fugoso Street hanggang Quezon Bridge at Liwasang Bonifacio; at southbound lane ng Lerma Street mula España Boulevard/P. Campa Street hanggang A. Mendoza Boulevard.

Sa bahagi ng Mendiola, magsisimula ang road closures dakong 12:01 ng madaling araw. Saklaw nito ang C.M. Recto Avenue mula N. Reyes Street hanggang Mendiola, at Legarda Street mula Figueras Street hanggang San Rafael Street.

Isasara rin ang Ayala Bridge simula 12:01 ng madaling araw, gayundin ang eastbound lane ng Ayala Boulevard mula San Marcelino Street hanggang Romualdez Street.

Pinayuhan ng MPD ang mga motorista na dumaan sa mga alternatibong ruta.

Ang mga sasakyan mula Plaza Sta. Cruz na patungong southbound lane ng McArthur Bridge ay ililihis sa Dasmariñas Street, Juan Luna Street, Plaza Cervantes, at Jones Bridge.

Ang mga motorista mula A. Mendoza na patungong southbound lane ng Quezon Boulevard via Quezon Bridge ay ililihis sa Fugoso Street, T. Mapua Street, at C.M. Recto Avenue. Ang mga mula España Boulevard na patungo sa kaparehong lugar ay dadaan naman sa N. Reyes Street at C.M. Recto Avenue.

Ang mga sasakyan mula Quezon Boulevard at C.M. Recto Avenue na patungong Mendiola Street ay ililihis sa N. Reyes Street, habang ang mga motorista mula Sta. Mesa via Legarda Street na patungong C.M. Recto Avenue ay dadaan sa Figueras Street, Earnshaw Street, at S.H. Loyola Street.

Ang mga sasakyan mula P. Casal Street na patungong Mendiola Street ay ililihis sa San Rafael Street, Bilibid Viejo Street, at Quezon Boulevard.

Para sa mga patungong Ayala Bridge, ang mga sasakyan mula Romualdez Street ay maaaring dumaan sa Ayala Boulevard at Taft Avenue, o tumuloy sa N. Lopez Street, A. Villegas Street, at C. Muñoz Street. Ang mga sasakyan mula San Marcelino Street ay maaaring dumaan sa Ayala Boulevard at Taft Avenue, o magpatuloy sa San Marcelino Street bago kumaliwa sa United Nations Avenue.

Ang mga motorista na nasa eastbound lane ng Ayala Boulevard patungong Ayala Bridge ay ililihis sa San Marcelino Street. Ang mga sasakyan mula C. Palanca Street na patungong Ayala Bridge ay ililihis sa P. Casal Street, habang ang mga mula P. Casal Street na patungong Ayala Bridge ay dadaan naman sa C. Palanca Street.

Ayon sa MPD, ang aktuwal na pagpapatupad ng road closures at muling pagbubukas ng mga apektadong kalsada ay nakadepende sa umiiral na sitwasyon ng trapiko. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here