MANILA, Philippines – Hindi dapat mawalan ng kuryente ang mga customer ng Meralco na kumikwestyon sa mataas na bill ng kuryente, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa kanilang mga reklamo, ayon kay Senador Risa Hontiveros nitong Biyernes, Hulyo 10.
Sa pahayag, nanawagan si Hontiveros sa Energy Regulatory Commission (ERC) na magpatupad ng temporary disconnection freeze para sa mga consumer na mayroong lehitimong billing disputes, lalo na ang mga sangkot sa mali-maling meter readings.
“Consumers who were erroneously charged should not be forced to pay disputed charges just to keep their lights on. Hindi nila kasalanan na mali ang meter reading. Hindi konsyumers ang dapat mag-adjust,” ani Hontiveros.
Ang proposal ay kasunod ng mga reklamo mula sa mga tahanan na nakatanggap ng matataas na bill ng kuryente, kabilang ang isang pamilya na siningil nang mataas sa kabila na naka-off ang kanilang circuit breaker dahil nagbakasyon.
Kinilala naman ng Meralco na ang bill ay resulta ng error sa meter reader.
Sa ilalim ng kasalukuyang proseso, ang mga consumer na may reklamo sa mga bill ay inaabisuhang bayaran ang kinikwestyong halaga upang hindi maputulan ng kuryente habang nireresolba ang reklamo.
“Kung lehitimo ang dispute sa bill, hindi makatarungan na pilitin silang magbayad muna. Pwede pa sana nilang magamit ang pera sa iba pang pangangailangan sa buwan na iyan,” sinabi ni Hontiveros.
Ginagarantiyahan ng Magna Carta for Residential Electricity Consumers ang karapatan para sa tamang metering at pinapayagan ang mga customer na hamunin ang mali-maling mga bill, ngunit hindi naman direktang pinagbabawalan ang pagkolekta ng kinikwestyong halaga o disconnection ng serbisyo habang pending pa ang reklamo.
Ani Hontiveros, dapat magtatag ang ERC ng mabilis at patas na proseso sa pagresolba ng billing disputes na hindi inilalagay ang mga consumer sa banta ng pagkawala ng suplay ng kuryente.
Maghahain si Hontiveros ng resolusyon na mag-aatas sa Senate Committee on Energy na imbestigahan ang mga iniulat na kaso ng erroneous meter readings, suriin ang umiiral na consumer protection mechanisms, at tukuyin ang legislative reforms upang maiwasan ang unjust billing practices. RNT/JGC