MANILA, Philippines – Inaprubahan ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang isang resolusyon ng City Council na nagdedeklara sa Hulyo 12 ng bawat taon bilang West Philippine Sea (WPS) Awareness Day sa lungsod bilang suporta sa kampanya ng pamahalaan na palawakin ang kamalayan ng publiko sa karapatan ng Pilipinas sa karagatan.
Ayon sa Baguio City Public Information Office (PIO), nakasaad sa City Council Resolution No. 546, Series of 2026 ang suporta ng lungsod sa paggunita ng ika-10 anibersaryo ng Arbitral Award noong Hulyo 12, 2016 at ang taunang pagdaraos nito sa Baguio City.
Nilinaw sa resolusyon na ang paggunita ay nakatuon sa mga information, education at civic activities at hindi ito ituturing na special working o non-working holiday.
Kabilang sa mga hinihikayat na aktibidad ang flag-raising ceremony na may opisyal na mensahe, mga public forum at symposium kasama ang mga paaralan at civil society organizations, gayundin ang pamamahagi ng impormasyon sa mga pampublikong lugar at opisyal na plataporma ng lungsod.
Pinahihintulutan din ang pakikipag-ugnayan sa National Maritime Council at iba pang kaukulang ahensya ng pamahalaan para sa mga information materials, resource speakers at activity guides upang matiyak na naaayon ang mga lokal na programa sa pambansang information campaign.
Ayon sa City Council, ang pondo para sa taunang paggunita ay sasailalim sa umiiral na mga batas at regulasyon sa budgeting, accounting at auditing.
Nagkaisang inaprubahan ng City Council ang resolusyon sa regular nitong sesyon noong Hunyo 22.
Ginugunita tuwing Hulyo 12 ang anibersaryo ng 2016 Arbitral Award, na nagpawalang-bisa sa malawak na “nine-dash line” claim ng China sa South China Sea at kinilala ang mga probisyon ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS). RNT/JGC