Home NATIONWIDE 4 Chinese, isang Pinoy arestado sa underground gawaan ng yosi

4 Chinese, isang Pinoy arestado sa underground gawaan ng yosi

2
0

MANILA, Philippines – Arestado ang limang lalaki, kinabibilangan ng apat na Chinese national, matapos salakayin ng mga tauhan ng Nueva Ecija Police Provincial Office ang isang nakakubling warehouse na gawaan ng mga iligal na sigarilyo sa Barangay Villa Joson, Carranglan, Nueva Ecija kahapon ng umaga.

Ayon kay Nueva Ecija Police director, P/Col. Ritchie R. Claravall, nakatanggap sila ng report hinggil sa malaking imbakan ng tabako na hinihinalang gumagawa ng iligal na sigarilyo na ipinakakalat sa merkado.

Ani Claravall, kaduda-duda ang kinaroroonan ng warehouse na nakatago sa bulubunduking bahagi ng lugar at malayo sa mga kabahayaan.

Sa labas pa lamang ng warehouse, malalanghap na ang masangsang na amoy kung kaya kinailangan pang magsuot ng facemask ng mga awtoridad.

Pagpasok sa loob ng mga pulis, kasama ang LGU, tumambad agad ang gabundok na pinatuyong dahon ng tabacco, mga makina na ginagamit sa pagproseso, mga nakalatag sa semento na mga giniling na dahon ng tabacco at mga sako ng finish products.

Sinabi ni Claravall na patuloy na inaalam ang kabuuang halaga ng nasamsam na mga makina at mga produktong tabako.

Makikipagkoordina ang pulisya sa Bureau of Internal Revenue para malaman ang halaga ng mga tabako, sa Bureau of Customs para matuklasan kung smuggled ang mga ito at sa Bureau of Immigration para mabatid ang status ng pananatili ng mga Chinese national.

Wala pang pahayag ang naarestong Pinoy na siyang sinasabing may-ari ng warehouse at ang apat na Chinese.

Nasa kustodiya na sila ng Carranglan Police Station habang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa mga suspek. MARINA BERNARDINO-SY

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here