Home NATIONWIDE Petisyon vs Escudero, Comelec sa campaign donations ibinasura ng SC

Petisyon vs Escudero, Comelec sa campaign donations ibinasura ng SC

2
0
(c) Remate File Photo

MANILA, Philippines – Ibinasura ng Korte Suprema (SC) ang petisyong inihain laban kay Sen. Francis Escudero at sa Political Finance and Affairs Department (PFAD) ng Commission on Elections (Comelec) kaugnay ng mga donasyon sa kampanya na natanggap niya para sa kanyang pagtakbo bilang senador noong 2022.

Ibinahagi ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia ang abiso ng resolusyon. Natanggap ito ng PFAD sa parehong araw.

Nagmula ang petisyon sa private citizen na si John Barry Tayam sa resolusyon ng PFAD na tapusin ang imbestigasyon sa kaso ni Escudero, dahil kulang umano sa ebidensya para suportahan ang reklamo na nilabag nina senador at Lawrene Lubiano, presidente ng Centerways Construction and Development Inc., ang Section 95 ng Omnibus Election Code (OEC).

Ang PFAD ang responsable sa pagsusuri at pagtatasa ng mga statement of contributions and expenditures ng mga kandidato.

Nauna nang kinumpirma ni Escudero na tumanggap siya ng P30 milyong donasyon mula kay Lubiano para sa kanyang pagtakbo bilang senador.

Gayunman, nilinaw niya na hindi niya tinulungan ang kumpanya na makakuha ng malalaking flood control project.

Isa ang kumpanya sa 15 kontratista na binanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nakakuha ng karamihan sa mga flood control project sa bansa.

Ayon sa pasya ng PFAD, ang mga stock o non-stock corporation ay “itinuturing na hiwalay at natatanging legal entity mula sa mga indibidwal na bumubuo rito.”

Dagdag pa nito, si Lubiano ay “hiwalay na legal na personalidad” kahit siya ang presidente ng kumpanya.

Dahil dito, sinabi ni Tayam na naniniwala siyang “si Lubiano ay Centerways, at ang Centerways ay si Lubiano.”

Nang hingan ng reaksyon sa resolusyon ng SC, sinabi ng kampo ni Escudero: “No comment.” Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here