MANILA, Philippines – Ipinaliwanag ni Senador Robin Padilla ang kanyang mga sinabi sa impeachment trial na paghingi ng raw file ng video ni Vice President Sara Duterte at sinabing ang tinutukoy niya ay ang Zoom recording.
Ito ay matapos siyang makatanggap ng batikos sa pagtatanong nito sa witness sa impeachment trial kung nakuha ba nito ang raw file ng ebidensya na nagdidiin kay Duterte na sinabi nito sa isang Zoom meeting na naka-livestream sa Facebook ng pagbabanta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady, at dating House Speaker.
“The host can do a livestream and record it! May built-in Zoom recording. ‘Yan ang original copy na tinatawag, na na-record ng kung sinuman ang nagsagawa ng Zoom meeting o interview,” sinabi ni Padilla.
“Lahat ng kumopya diyan sa live feed, maging ano man ’yan galing sa internet, duplicate na ’yan. Anything recorded as a duplicate can be manipulated,” dagdag pa niya.
Ayon naman kay retired Supreme Court Associate Justice Adolf Azcuna, ang recordings ng mga materyales na available online ay tinatanggap bilang ebidensya basta’t hindi ito napalitan.
“Any recording based on the transmission online would be admissible as long as it is not tampered,” ani Azcuna sa panayam ng GMA News.
“Iba po ang video kaysa sa physical document. Iba ang rules of authenticity, so palagay ko hindi valid ‘yung objection na kailangan ipresenta ang original because every transmission is an original,” dagdag pa niya. RNT/JGC