Home OPINION ISANG TESTIGO, SIYAM NA ORAS, MILYONG PISONG GASTOS

ISANG TESTIGO, SIYAM NA ORAS, MILYONG PISONG GASTOS

2
0

PAGKATAPOS ng dalawang araw na paglilitis na umabot sa halos siyam na oras, natapos na rin ang testimonya ng unang testigo ng prosecution. Sa kabuuan, ang pangunahing naipakita ay may video kung saan nagsasalita si VP Sara Duterte at ang naturang video ay na-upload sa Facebook.

Sa tingin ko bilang abogado, wala namang malaking isyu kung may video nga at siya ang nagsasalita. Ang tunay na tanong ay kung ang nilalaman ba ng kanyang mga pahayag ay sapat upang masabing may HIGH CRIMES o iba pang IMPEACHABLE OFFENSES na nakasaad sa Konstitusyon. Iyan ang kailangang mapatunayan ng prosecution, hindi lamang ang pagkakaroon ng video o ang pagiging viral nito.

Malalaman pa natin sa mga susunod na testigo kung paano nila “MAPAPALAKAS” ang kanilang kaso. Hindi sapat ang hinala, impresyon, o opinyon ng publiko. Sa impeachment, tulad ng anomang ligal na proseso, ang magiging batayan ay ang kabuuan ng ebidensya at kung sapat ba itong magpatutunay ng mga paratang.

Kung tatanungin ang magkabilang panig, tiyak na pareho nilang sasabihin na parang sa tennis—amin ang first set. Ngunit wala namang nananalo sa unang set pa lamang. Mahaba pa ang laban, marami pang testigo ang inaasahang haharap, at marami pang dokumento ang maaaring iharap sa Senado.

Habang nagpapatuloy ang paglilitis, tuloy-tuloy rin ang gastos ng taumbayan. Bawat araw ng pagdinig ay nangangailangan ng malaking pondo para sa seguridad, operasyon, dokumentasyon, technical support, at iba pang gastusin ng impeachment court.

Kaya natural lamang na itanong ng mga nagbabayad ng buwis kung nagagamit ba nang mahusay ang oras ng paglilitis.

Kapansin-pansin kasi na napakaraming MANIFESTATIONS at mahahabang PRELIMINARY STATEMENTS. Sa maraming pagkakataon, ang paliwanag sa OBJECTIONS ay mas mahaba pa kaysa sa simpleng pagsasabi ng ligal na batayan nito.

Sa totoo lang, hindi ebidensya ang MANIFESTATIONS at hindi rin awtomatikong puntos ang OBJECTIONS. Ang mga ito ay bahagi ng proseso, ngunit hindi sila ang magpapasya sa magiging kapalaran ng kaso.

Mahalaga ang papel ng Presiding Officer sa pagpapanatili ng kaayusan at bilis ng paglilitis. Kung makokontrol ang paulit-ulit at kung minsan ay hindi kinakailangang mahahabang manifestations at objections, mas mapabibilis ang takbo ng impeachment court. Masisiguro rin na ang bawat oras ng pagdinig ay nakatuon sa paglalatag ng ebidensiya at hindi sa pagpapahaba ng argumento.

Ngunit iba rin ang impeachment trial kumpara sa ordinaryong paglilitis sa mga hukuman. TELEVISED ito at sinusubaybayan ng milyon-milyong Pilipino. Bawat tanong, bawat sagot, bawat manifestation at objection ay agad sinusuri ng publiko at pinagdedebatehan sa social media.

Ang mga abogado ng magkabilang panig ay pawang mahuhusay at ginagawa ang kanilang tungkulin para sa kanilang mga kliyente. Ang problema, dahil HIGHLY POLITICIZED ang usapin, madalas ay nauuwi sa kampihan sa halip na masusing pagtalakay sa batas at ebidensya.

Malalaman natin sa mga susunod na pagdinig kung bibilis ang takbo ng paglilitis o mananatiling mabagal. Kung magpapatuloy ang ganitong sistema, hindi malayong umabot pa ng maraming buwan ang impeachment trial at lalo pang lalaki ang gastos ng taumbayan.

Dapat mapagtanto na indi lamang kapalaran ni VP Sara Duterte ang nakasalalay rito. Ang sinusukat din ay kung kaya bang isagawa ng Senado ang isang paglilitis na mabilis ngunit makatarungan, masinop sa paggasta ng pondo ng bayan, at nakabatay lamang sa batas at ebidensya. Sapagkat sa isang impeachment trial, hindi lamang ang akusado ang hinahatulan ng publiko subalit maging ang paraan ng ating mga institusyon sa paghahatid ng katarungan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here