Home NATIONWIDE Posisyon ng Simbahan sa impeachment ni VP Sara ‘di pampolitika – CBCP

Posisyon ng Simbahan sa impeachment ni VP Sara ‘di pampolitika – CBCP

2
0

MANILA, Philippines – Nilinaw ng Simbahang Katolika sa Pilipinas na ang kanilang pagtutok sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ay hindi dahil sa politika, kundi dahil sa kanilang paninindigan para sa Saligang Batas at rule of law.

Sa pagtatapos ng 132nd CBCP plenary assembly, sinabi ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, Chairman ng CBCP Episcopal Commission on Interreligious Dialogue, na patuloy nilang binabantayan ang paglilitis.

“Hindi nagbago ang posisyon ng Simbahan: Mahalaga ang impeachment process na ito ngayon,” ani Bagaforo sa online press conference.

Giit niya, hindi ito laban o proteksyon kay Duterte.

“Wala tayong kinikilingan. Ang hawak natin ay ang Konstitusyon at batas. Hayaan nating matapos ang proseso at hayaan nating ang rule of law ang magpasya kung ano ang totoo,” dagdag niya.

Ayon kay Bagaforo, nagtitiwala ang mga Pilipino sa impeachment at mahigpit na mino-monitor ito sa Senado.

Para sa Simbahan, ang sentro ng usapin ay katarungan.

“Hustisya para sa mga nangyari dahil sa alegasyon ng korapsyon, at hustisya rin para sa mga inaakusahan ngayon.”

Si Bagaforo, na lead convenor din ng Inter-Religious Leaders Council for National Transformation, ay nagsabing tanggap ng taumbayan ang iba’t ibang kulay ng politika.

Bilang paalala ng pagkakaisa, binanggit niya ang panalangin mula Tangub City, Visayas: “Uno ang Ginoo” — Unahin ang Diyos. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here