MANILA, Philippines – Naglabas ng traffic advisory ang Manila Police District (MPD) kaugnay ng National Peace Walk na gaganapin ngayong Hulyo 12 (Linggo) sa Maynila.
Magsisimula at magtatapos ang aktibidad sa Quirino Grandstand, at daraan ang mga kalahok sa Kalaw Avenue Extension, Roxas Boulevard, United Nations Avenue, at Katigbak Parkway.
Nagsimula ang unang road closure alas-5 ng hapon ng Hulyo 11 (Sabado) sa Independence Road mula Katigbak Drive hanggang South Road. Maaaring gamitin ng mga sasakyang papunta sa Manila Hotel, Rizal Park Hotel, at Hotel H2O ang zipper lane.
Simula naman alas-5 ng umaga ng Hulyo 12, isasara ang ilang bahagi ng Roxas Boulevard at Kalaw Avenue. Magkakaroon din ng rerouting para sa mga truck at iba pang sasakyan sa mga pangunahing kalsada sa paligid ng Roxas Boulevard.
Pinapayuhan ng MPD ang mga motorista na gumamit ng alternatibong ruta at asahan ang mabigat na daloy ng trapiko sa mga apektadong lugar. RNT/MDS