MANILA, Philippines – Inaasahang magkakaroon ng magkahalong pagbabago sa presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo, ayon sa mga pagtataya ng industriya.
Tinatayang magiging galaw ng presyo ang mga sumusunod:
– Diesel – tataas ng humigit-kumulang ₱2.50 hanggang ₱4.50 kada litro
– Gasolina – maaaring bumaba ng ₱1.25 o tumaas ng hanggang ₱0.75 kada litro
– Kerosene – maaaring tumaas ng ₱2.20 hanggang ₱4.20 kada litro
Ayon sa industriya, tumataas ang presyo ng diesel dahil sa lumalakas na pandaigdigang demand at pagbaba ng suplay. Samantala, bahagyang humina ang presyo ng gasolina dahil sa inaasahang pagdami ng suplay mula sa China.
Noong nakaraang linggo, nagtaas na ng presyo ang mga kumpanya ng langis sa gasolina, diesel, at kerosene.
Patuloy ring binabantayan ng industriya ang sitwasyon sa Middle East, dahil maaaring maapektuhan ang suplay ng langis sa gitna ng muling paglala ng tensyon sa rehiyon. RNT/MDS