NEGROS OCCIDENTAL, Philippines – Mahigit 2,000 residente sa Negros Occidental ang lumikas dahil sa epekto ng Habagat at Bagyong Inday (Bavi), ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).
Aabot sa 2,787 katao mula sa 946 pamilya sa siyam na lugar ang naapektuhan. Sa bilang na ito, 2,575 residente ang pansamantalang nanunuluyan sa 41 evacuation centers.
Kabilang sa mga apektadong lugar ang Bago City, San Enrique, Pontevedra, La Carlota City, La Castellana, Moises Padilla, Isabela, Sipalay City, at Hinoba-an.
Sa Sipalay City, isang bahay ang nawasak at siyam ang nasira, habang walong bahay naman ang napinsala sa Hinoba-an.
Sa Bacolod City, bumagsak ang bahagi ng pader ng Burgos Cemetery dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan. Pinayuhan ang mga motorista at pedestrian na iwasan ang northbound lane ng Burgos-Lopez Jaena Street (Bangga Patyo) para sa kanilang kaligtasan. RNT/MDS