Home NATIONWIDE Diokno: Mas mabibigat pang ebidensya ihaharap laban kay VP Sara

Diokno: Mas mabibigat pang ebidensya ihaharap laban kay VP Sara

2
0

MANILA, Philippines – Inaasahan ni Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno, isa sa mga prosecutor sa impeachment trial, na mas mabibigat pang ebidensya ang ihaharap laban kay Vice President Sara Duterte sa mga susunod na pagdinig.

Ayon kay Diokno, ang unang linggo ng paglilitis ay nakatuon sa paglalatag ng matibay na pundasyon ng kaso. Inihalintulad niya ito sa pagtatayo ng bahay.

“Ang trabaho ng prosecution ay parang magtatayo kami ng bahay. Hindi naman tayo pwedeng magtayo ng bahay kung walang pundasyon,” aniya.

Aniya, unang iniharap ng prosekusyon ang NBI Senior Agent na si John Mark Calilung upang patunayan ang pagiging tunay ng video na may kaugnayan sa umano’y pagbabanta ni Duterte kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Sinabi rin ni Diokno na layunin ng prosekusyon na maipakita hindi lamang sa mga senator-judge kundi pati sa publiko ang batayan ng mga articles of impeachment at kung bakit umano’y may paglabag sa Konstitusyon at paglabag sa tiwalang ibinigay ng mamamayan.

Kabilang sa mga isyu sa impeachment complaint ang umano’y maling paggamit ng ₱612.5 milyong confidential funds, hindi tamang deklarasyon sa SALN, hindi maipaliwanag na yaman, at umano’y pagbabanta sa Pangulo at ilang miyembro ng First Family.

Nakatakdang ipagpatuloy ang paglilitis sa Hulyo 13. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here