MANILA, Philippines – Sinampahan ng Office of the Ombudsman ng kasong usurpation of official functions ang dating OWWA Administrator Arnell Ignacio kaugnay ng pagbili ng OWWA ng ₱1.4-bilyong ari-arian.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), nilagdaan umano ni Ignacio ang kontrata ng bentahan at inaprubahan ang pagpapalabas ng pondo kahit wala siyang pahintulot mula sa OWWA Board of Trustees.
Sinabi ni DMW Secretary Hans Cacdac na iniutos ng Ombudsman na magsampa ng kaso laban kay Ignacio. Ang usurpation of official functions ay may parusang anim na buwan hanggang apat na taong pagkakakulong, depende sa desisyon ng korte.
Samantala, ibinasura ng Ombudsman ang mga reklamong graft, malversation, at plunder laban kay Ignacio at iba pang sangkot. Dahil dito, magsasampa ang DMW ng Motion for Reconsideration upang muling suriin ang ebidensya.
Iginiit ng DMW na minadali umano ang bentahan nang hindi dumaan sa OWWA Board of Trustees; naglabas ng humigit-kumulang ₱1.4 bilyon bago pa mapirmahan ang deed of sale; at kasama sa binayarang ari-arian ang 51 condominium units na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱97 milyon, ngunit nang inspeksyunin ng kasalukuyang pamunuan ng OWWA ay wala na umano ang mga ito dahil na-demolish.
Ayon kay Cacdac, tungkulin ng DMW na ipaglaban ang pananagutan at protektahan ang pondo ng gobyerno. Nilinaw rin niyang iginagalang nila ang pinal na magiging desisyon ng Ombudsman. RNT/MDS