Home OPINION MABAGAL NA AHENSYA, TULALANG HUSTISYA

MABAGAL NA AHENSYA, TULALANG HUSTISYA

2
0

MAY kasabihang “Justice delayed is justice denied.” Ngunit sa panahon ngayon, tila maaari na ring sabihin na “Investigation delayed is law enforcement denied.” Ano pa ang silbi ng mga batas laban sa pamemeke ng produkto at paglabag sa intellectual property kung ang mismong mga ahensyang inaasahang tutulong sa pagpapatupad nito ay napakabagal kumilos?

Hindi biro ang kaso ng mga pekeng produkto. Bukod sa pagkalugi ng mga lehitimong kompanya, nalalagay din sa panganib ang kaligtasan ng mga mamimili. Kaya nga may Criminal Investigation and Detection Group na siyang inatasang magsagawa ng imbestigasyon, surveillance, buy-bust operations at iba pang hakbang laban sa economic sabotage at intellectual property violations.

Ngunit paano uusad ang isang imbestigasyon kung ang kinakailangang beripikasyon mula sa Department of Trade and Industry at Intellectual Property Office of the Philippines ay inaabot ng mahigit isang buwan bago masagot? Ang simpleng kumpirmasyon kung may rehistradong trademark o patent ang isang produkto ay tila napakahirap makuha, kahit matagal nang naipadala ang opisyal na kahilingan ng CIDG.

Habang naghihintay ang mga imbestigador, maaaring patuloy na naibebenta ang mga produktong pinaghihinalaang peke. Patuloy ring nalulugi ang mga lehitimong negosyante habang nalilinlang ang mga mamimili.

Ang masaklap, ang mabagal na tugon ng mga ahensyang dapat tumutulong sa pagpapatupad ng batas ang siyang nagiging hadlang sa mabilis na pagkilos laban sa mga lumalabag.

Hindi maiiwasang magtanong ang publiko kung “kulang sila sa mga tauhan?

May problema ba sa sistema? O sadyang hindi lamang ito prayoridad?” Mas mabigat pa ang tanong na kusang pumapasok sa isipan ng ilan: naabisuhan na kaya ang kompanyang nirereklamo bago pa man makumpleto ang imbestigasyon?

Wala tayong ebidensyang magpapatunay na may katiwaliang nangyari, kaya hindi makatarungang magbintang. Ngunit ang ganitong mga hinala ay bunga rin ng kawalan ng agarang aksyon at malinaw na paliwanag mula sa mga kinauukulang tanggapan.

Panahon nang gisingin ang DTI at IPOPHL. Ang pagiging mabagal ay hindi simpleng kahinaan sa serbisyo; maaari itong magdulot ng malaking pinsala sa mga lehitimong negosyo at magpahina sa kampanya ng pamahalaan laban sa counterfeit products.

Ang batas ay hindi dapat manatili lamang sa papel. Ang mga ahensyang inatasang ipatupad ito ay may pananagutang kumilos nang mabilis, mahusay, at may pananagutan sa publiko. Sapagkat, ang mabagal na serbisyo ay nagiging tulalang hustisya.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here