Home OPINION SA KALABAN LANG NAKATUTOK

SA KALABAN LANG NAKATUTOK

2
0

HINDI natin kailangang maging magaling na political scientist para sabihing may kinikilingan, may kinakampihan at may pinagtatakpan ang ginagawang paghahabol kuno ng gobyernong Dayunor sa mga mandarambong sa kaban ng bayan.

Matapos ikulong ng Sandiganbayan sa pamamagitan ng isinampang kasong plunder ng Office of the Ombudsman si Sen. Rodante Marcoleta dahil sa pagtanggap ng P75 milyong “pribadong donasyon” sa kanyang kampanya noong tumakbong senador, maigi na ring matalakay ang isyung ito.

Ito’y dahil marami ang naniniwala na kung talagang seseryosohin ang usapin, mabibilanggo lahat ang mga politiko at kaibigang negosyante o may-ari ng mga korporasyon na tumulong sa kanila para maluklok sa puwesto.

Mula sa kagawad sa barangay hanggang sa Pangulo ng bansa, hindi maitatangging tumanggap at nagkamal ng pera mula sa “suporta” ng mga kaibigan at negosyante. Kung gayon, swak lahat dapat sa selda, hindi lang si Marcoleta.

Ang kakatwa, may mga natalong kandidato ang sinasabing “hindi umuwing luhaan” bagkus ay “masaya at tumaba lalo ang bulsa”. Sila ang tinatawag na kandidatong natalo man sa eleksyon, panalo naman sa nakuhang donasyon.

May mga tumatakbo kasi sa eleksyon na hindi naman talaga layunin ang manalo para sa pwesto, kundi upang magkamal ng pera mula sa tulong o suhol.

Para sa mga may-ari ng negosyo, sa mga milyonaryo o bilyonaryo, ang pagbibigay ng malalaking donasyon sa kampanya ay taktika para sa kanilang negosyo. Isa itong investment o pamumuhunan upang lalong lumakas ang kanilang kapit.

May mga politiko namang sadyang walanghiya at makakapal ang mukha dahil sila mismo ang lumalapit o “nananakot” sa mga negosyante upang humingi ng suporta.
Isa pang halimbawa na kaya hindi nawawala ang mga iligal na sugal, iligal na droga at ismagling, ang bawat “panginoon” ng mga ito ay nagdo-donate ng campaign funds ni barangay kagawad, kapitan, konsehal, kongresman, mayor, gobernador, senador at kahit Presidente ng bansa bilang kanilang proteksyon.

Ang ganitong estilo ay matagal nang nakasanayan at patuloy na ginagawa kung kaya ginaya na rin maging ng mga taong nais malagay sa mahahalagang posisyon sa gobyerno, katulad ng Department of Public Works and Highways o DPWH kung saan madaling laruin ang pondo ng bayan.

Kaya naman ang kaso laban kay Senador Marcoleta ay mahalaga upang magbukas ng mga imbestigasyon sa hinaharap laban sa mga kasalukuyang nakikinabang sa donasyon sa halalan.
Sa kasalukuyan, tanging si Marcoleta lamang sa mga senador ng oposisyon at tunay na lumalaban sa katiwalian ang siya pang ikinulong.

Ang mga totoong sangkot na “CongTractor” sa flood control anomaly at ilang senador ng administrasyon na nakatanggap ng male-maletang pera o donasyon ay hindi pa nakakasuhan o nabibilanggo.

Magaling lang ang administrasyong Marcos na magpakulong kapag kanilang kalaban. Magaling din magtago ng baho kapag kakampi na ang sabit.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here