HINDI kaya nasobrahan ang akting ng prosekusyon sa pagsasabing high crime o tahasang paglabag sa Konstitusyon o pagtataksil sa tiwala ng bayan ang grave threats ni Vice President Sara Duterte, First Lady Lisa Araneta-Marcos at ex-Speaker Martin Romualdez?
Nagtatanong tayo, mga brad, dahil arresto mayor o pagkabilanggo mula sa 1 buwan at 1 araw hanggang 6 buwan lang ang parusa, ayon sa Article 90 ng Revised Penal Code, kaya naman kasong pambarangay lang ito at aakyat lang sa municipal trial court kung hindi magkasundo ang magkabilang panig.
Sa Article 282 ng Revised Penal Code matatagpuan bilang krimen ang grave threats na maaari itong salita o kilos na may intention na manakit sa iyo, dangal, pag-aari o pamilya.
Pero hindi basta-basta mapatunayan ang grave threats dahil nangangailangan ng paglalabas ng elementong “malice” o intention sa paggawa nito na napakahirap patunayan, ayon kay dating Associate Justice Adolfo Azcuna.
Isa pa, ayon naman kay Senator-Judge Alan Peter Cayetano sa kanyang comment kay National Bureau of Investigation Agent John Mark Calilung na witness-investigator sa kaso, sinabi nitong dahil may kondisyon ang pagbabanta at wala namang namatay, wala ring pagbabanta.
Ayon naman sa iba, bahagi ng self-defense, “defense of others” sa partikular, ang nangyari bilang tugon sa claim ni dating Chief of Staff Zuleika Lopez na may banta sa kanyang buhay nang tinangkang siyang ilipat mula sa detention cell ng Kamara sa Correctional Institute for Women sa kalagitnaan ng gabi.
Ayon naman sa depensa, bago pa naganap ang pagbabanta, nakaranas na si VP Sara ng “systematic oppression”, kabilang na ang “surveillance” sa kanyang bahay sa Davao City at Manila, matinding harassment sa kanyang mga tauhan sa Office of the Vice President gaya ni Lopez at may Operation Romanov na bantang pagpatay sa pamilyang Duterte kaya nagbunga ito sa pagbabanta.
Hintayin na lang ang botohan sa huli sa Impeachment Court kung guilty o hindi si Inday Sara.






