Home OPINION DOKTRINA NG PAG-IWAS GINAMIT NG KORTE SUPREMA SA NCAP

DOKTRINA NG PAG-IWAS GINAMIT NG KORTE SUPREMA SA NCAP

1
0

KADALASAN, kapag ibinasura o dinismiss ng korte ang isang kaso, agad iniisip ng marami na panalo na ang isang panig. HINDI. Sa batas, hindi lahat ng dismissal ay nangangahulugang may nagwagi o natalo. Kailangang suriin ang tunay na dahilan kung bakit hindi itinuloy ng hukuman ang pagresolba sa isang usapin.

Ito ang malinaw na ipinakita ng Korte Suprema sa usapin ng No Contact Apprehension Policy. Marami ang nag-akala na dahil dinismiss ang mga petisyon, awtomatikong napatunayang ligal at konstitusyonal ang mga NCAP ordinansa ng mga lokal na pamahalaan. Ngunit hindi iyon ang sinabi ng Korte Suprema.

Sa katunayan, ang isyu kung labag ba sa Saligang Batas ang mga lokal na NCAP ordinance ay HINDI na tinalakay ayon sa merito ng kaso dahil THE ISSUES RAISED HAVE BECOME MOOT AND ACADEMIC because of the adoption of a new and uniform traffic enforcement framework under the METRO MANILA TRAFFIC CODE OF 2023.

Sa madaling salita, hindi na ang magkakaibang NCAP ordinance ng mga LGU ang umiiral, kundi ang bagong Metro Manila Traffic Code. Dahil dito, nawalan ng aktwal na kontrobersiya ang mga petisyon kaya ginamit ng Korte Suprema ang doktrina ng pag-iwas sa pagdedesisyon ng mga usaping konstitusyonal.

Ito ang tinatawag na Doctrine of Constitutional Avoidance. Kapag may paraan upang maresolba ang isang kaso nang hindi kinakailangang magpasya sa usaping konstitusyonal, pinipili ng hukuman ang paraang iyon. Layunin nitong maiwasan ang hindi kinakailangang pagdedeklara tungkol sa Saligang Batas kung hindi naman ito kailangan upang maresolba ang kaso.

Ngunit malinaw din ang sinabi ng Korte Suprema: “The dismissal of the petitions does not constitute a ruling that the challenged NCAP Issuances are valid.” Ibig sabihin, HINDI, nito idineklarang balido o konstitusyonal ang mga ordinansa ng NCAP. Hindi lamang iyon ang tamang pagkakataon upang pagpasiyahan ang naturang isyu.

Mas mahalaga pa, binigyang-diin din ng Korte Suprema na “the dismissal does not bar future challenges if the revised NCAP system later gives rise to an actual controversy.” Kaya kung sakaling magkaroon ng bagong aktuwal na usapin—halimbawa, may mga motorista na kwestiyunin ang bagong NCAP o may mga LGU na maningil ng multa batay sa mga lumang ordinansa—maaari pa ring dalhin muli ang usapin sa hukuman.

Ngayon, iwan muna natin ang NCAP at pagtuunan natin ng pansin ang DOKTRINA NG PAG-IWAS SA KONSTITUSYONALIDAD.

May ilan ang nagtatanong: kung magkaroon ng mga petisyon sa Korte Suprema na may kaugnayan sa konstitusyonalidad ng impeachment ni VP Sara Duterte, maaari kayang gamitin din ang doktrinang ito upang hindi agad resolbahin ang usapin?

Posible ang iba’t ibang pananaw, ngunit mahalagang tandaan na bawat kaso ay may kanya-kanyang katotohanan, isyu, at antas ng epekto sa publiko. Hindi maaaring basta ipalagay na dahil ginamit ang doktrinang ito sa NCAP ay awtomatiko na rin itong magiging batayan sa lahat ng susunod na kaso.

Kung ang isang usapin ay may grave violation of the Constitution o may significant public interest na nangangailangan ng agarang paglilinaw, may mga pagkakataong pinipili ng Korte Suprema na direktang harapin ang konstitusyonal na tanong sa halip na umiwas dito. Sa ganitong mga sitwasyon, hindi lamang teknikalidad ang umiiral kundi ang mas mataas na tungkulin ng hukuman na pangalagaan ang Saligang Batas.

Sa tingin ng LCSP, ang pinakamahalagang aral dito ay huwag magmadaling magdeklara ng panalo o pagkatalo sa bawat desisyon ng hukuman. Ang tunay na sukatan ay ang mismong nilalaman ng pasya. At kung sakaling dumating ang pagkakataong may tahasang paglabag sa Konstitusyon na kailangang resolbahin, nananatiling mataas ang inaasahan ng taumbayan na ang KORTE SUPREMA ay hindi hahayaan ang tahasang paglabag ng Saligang Batas.

====================

Atty. Ariel Inton

President/Founder of Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP)

09178174748

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here