MANILA, Philippines – Bukas si Senate impeachment court presiding officer Francis “Chiz” Escudero sa anumang petisyon na hahamon sa ruling na kailangan ng 16 affirmative votes mula sa senator-judges para panagutin si Vice President Sara Duterte sa kanyang impeachment trial.
Nag-isyu ng ruling si Escudero sa pagbubukas ng impeachment trial ni Duterte noong Hulyo 6.
“Ito ang umiiral pong desisyon ng Korte Suprema, sang-ayon man po tayo o hindi,” sinabi ni Escudero.
“Kaya nga sinabi ko, kung sinuman ang hindi sang-ayon sa posisyong ito, hindi lamang ng presiding officer kundi pati na rin ng impeachment court—dahil wala namang umapela o naghanap ng rekonsiderasyon sa aking pasya at sinabi, may pagkakataon silang iakyat ito sa Korte Suprema dahil justiciable controversy na ito,” dagdag pa niya.
Bagamat hindi lahat ng senator-judges ay sang-ayon sa 16-vote threshold, sinabi ni Escudero na nakausap niya ang ilang mga kasamahan na nagbahagi ng saloobin sa kanyang interpretasyon.
Lumitaw ang isyu matapos na i-rule ni Escudero sa pagbubukas ng impeachment trial na kailangan ng hanggang 16 affirmative votes mula sa 24 miyembro ng Senado para i-convict si Duterte na isang requirement sa ilalim ng 1987 Constitution.
Nagkaroon ng kwestyon dahil kasaluluyang kulang sa miyembro ang Senado matapos ang detention nina Senador Jinggoy Estrada at Rodante Marcoleta, na nahaharap sa mga kasong non-bailable.
Nagtatago naman si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na nahaharap din sa arrest warrant ng International Criminal Court.
Iginiit ni Escudero na ang ruling ay nakasalig sa desisyon ng Korte Suprema sa Bayan v. Zamora, na nagsasabin ang voting threshold ay dapat na batay sa full membership ng Senado na 24, kahit may isang bakanteng pwesto.
“‘Yung kaso sa Bayan v. Zamora, klaro’t maliwanag na 23 lamang ang senador dahil si dating senator Gloria Macapagal-Arroyo ay nahalal bilang Vice President noong 1998, so klarong 23 lang [ang senador],” sinabi ni Escudero.
“Pero ang sinabi ng Korte Suprema, sa pagratipika lang ng isang tratado ang bilang na dapat pa ring sundin ay 24, hindi magiging 23,” dagdag pa niya.
Nitong Linggo, sinabi naman ni senator-judge Panfilo Lacson na umaasa siyang ang isyu sa voting threshold ay mareresolba sa Korte Suprema upang maiwasan ang naumang kumplikasyon sa kalagitnaan ng impeachment proceedings.
“Mas mainam kung mayroong mag-petisyon sa Korte Suprema, ma-resolve na this early. Kasi napaka-awkward kung sakaling nag-ruling na kami… Para habang hindi pa kami nakakapagdesisyon ng conviction or acquittal based on the number, malinaw na sa amin kung ano ang threshold,” sinabi ni Lacson sa panayam ng DZBB. RNT/JGC