Home NATIONWIDE US gumanti sa pag-atake ng Iran sa Gulf states

US gumanti sa pag-atake ng Iran sa Gulf states

1
0

UNITED STATES – Nagsagawa ang militar ng Estados Unidos ng panibagong serye ng pag-atake laban sa Iran matapos ang panibagong bakbakan sa Strait of Hormuz at pag-atake ng Tehran sa ilang kaalyado ng Washington sa Gulf region.

Ayon sa US Central Command (CENTCOM), nagsimula ang bagong opensiba dakong alas-9:00 ng gabi (GMT) nitong Linggo, kasunod ng humigit-kumulang 140 airstrike na isinagawa noong nakaraang gabi.

Ang panibagong sagupaan ay muling nagpahina sa umiiral na pansamantalang kasunduan sa pagitan ng Washington at Tehran na naglalayong wakasan ang digmaan na nagsimula noong huling bahagi ng Pebrero.

Dahil sa tumitinding tensyon, muling tumaas ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado. Umakyat ng mahigit 3.5 porsiyento ang oil futures sa pagbubukas ng kalakalan sa Tokyo, habang lumampas sa $74 kada bariles ang presyo ng West Texas Intermediate (WTI).

Iniulat ng Iran na sinalakay ang dalawa nitong isla sa timog, habang sinabi ng Kuwait na tinamaan ng pag-atake ang ilang border post at isang offshore oil platform.

Nauna rito, inatake ng Iran ang isang commercial vessel sa Strait of Hormuz, dahilan upang lumikas ang mga tripulante matapos itong magliyab.

Kasunod nito, inihayag ng Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) na isasara ang Strait of Hormuz “hanggang sa matapos ang interbensyon ng Amerika sa rehiyon.”

Gayunman, iginiit ng CENTCOM na nananatiling bukas ang Strait of Hormuz sa lahat ng barkong may legal na paglalayag.

“Iran does not control the strait. Traffic is flowing,” ayon sa pahayag ng CENTCOM.

Sinabi naman ng Iranian Foreign Ministry na ang mga pag-atake ng Estados Unidos ang muling nagdulot ng kawalan ng seguridad sa Strait of Hormuz at sumira sa mga pagsisikap para sa kapayapaan sa rehiyon.

Iniulat din ng Iranian state media na tinamaan ng hindi bababa sa 10 projectile ang Qeshm Island, habang sinalakay rin ang Farur Island kung saan isang telecommunications worker ang nasawi at dalawa ang sugatan.

Sa Kuwait, tatlong border post ang napinsala at isang offshore drilling platform ang tinamaan ng isang drone, na ikinasugat ng isang tao.

Ayon sa Tehran, dalawang barko ang kanilang pinuntirya sa Strait of Hormuz noong Linggo.

Bilang tugon, sinabi ng militar ng Amerika na tinamaan nito ang nasa 140 target sa Iran. Naiulat din ang mga pagsabog sa Bandar Abbas, Sirik, Jask, Qeshm at Khuzestan province, kung saan isang sundalo ang nasawi.

Narinig din ang mga sirena at pagsabog sa Qatar, United Arab Emirates at Bahrain matapos ang pag-atake ng Iran, habang sinabi ng Jordan na tatlong Iranian missile ang bumagsak sa kanilang teritoryo.

Inihayag din ng Iran na kabilang ang Oman sa mga tinamaan nito, dahilan upang ipatawag ng Muscat ang Iranian ambassador at maghain ng pormal na protesta.

Samantala, isang Indian sailor ang nawawala matapos ang pag-atake sa isang Cyprus-flagged container ship sa Strait of Hormuz, ayon sa pamahalaan ng India.

Nailigtas naman ng Oman ang 23 tripulante ng isang commercial ship na napilitang lumikas sakay ng lifeboat matapos ang insidente.

Patuloy namang nananawagan ang mga international mediator para sa de-escalation. Sinabi ni Pakistani Foreign Minister Ishaq Dar na “dialogue and diplomacy remain the only viable path,” habang hinimok din ni United Nations Secretary-General Antonio Guterres ang agarang pagtigil ng mga pag-atake. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here