MANILA, Philippines – Binigyang-diin ni Senate President Sherwin Gatchalian ang agarang pangangailangan na pasiglahin muli ang dayuhang pamumuhunan sa bansa sa pamamagitan ng matatag na mga polisiya at pagiging bukas at tapat ng mga institusyon.
“Ang tiwala ng mga mamumuhunan ay
nakasalalay sa katapatan. Gumagawa tayo ng mga direktang hakbang upang maibalik
ang tiwalang iyan sa pamamagitan ng pagtiyak na ang pondo ng bayan ay ginagastos nang maayos, tapat, at sa mga proyektong may malinaw at napapatunayang halaga sa ekonomiya,” ani Gatchalian.
Tinukoy niya na bumaba ng 18.6% ang net inflow ng foreign direct investment (FDI) sa $4.8 bilyon sa unang walong buwan ng taon mula sa $5.9 bilyon noong nakaraang taon, batay sa datos na inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas.
Upang epektibong maibalik ang tiwala ng mga
mamumuhunan, nakatuon ang Senado sa pagpapalakas ng pananagutan sa publiko,
partikular sa pagbabantay sa mga kapaki-pakinabang na imprastrakturang mahalaga
sa mga aktibidad ng ekonomiya.
Bilang bahagi ng pagsisikap na ito, inihayag niya kamakailan na tatanggalin ng Senado ang 295 na proyektong pang-imprastraktura na walang sapat na batayan at nagkakahalaga ng P8.836 bilyon mula sa panukalang pambansang badyet para sa susunod na taon.
Binigyang-diin niya na patuloy na
bubusisiin ng Senado ang listahan ng mga proyektong pang-imprastraktura sa
panukalang badyet para sa 2027 upang matiyak ang kumpletong pagsunod sa mga
dokumento at masiguro na ang mga proyektong nakahanay lamang sa mga prayoridad
ng ekonomiya ang makatatanggap ng pondo.
“Importante na mapalakas natin ang tiwala
ng mga mamumuhunan kapag naipakita natin na seryoso ang gobyerno sa pagpapalakas ng ekonomiya sa pamamagitan ng mga tamang imprastraktura na pakikinabangan ng lahat,” diin niya. Ernie Reyes