Home NATIONWIDE Pagbubukas ng BIR Green Box, tututulan ni Lacson kung walang awtorisasyon

Pagbubukas ng BIR Green Box, tututulan ni Lacson kung walang awtorisasyon

1
0

MANILA, Philippines – Hindi maaaring suportahan ni Senator-Judge Panfilo “Ping” M. Lacson ang pagbubukas ng “green box” ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na naglalaman ng mga tax record ni Vice President Sara Duterte kung wala ang nakasulat na awtorisasyon ng Pangulo, alinsunod sa itinatakda ng batas.

Ani Lacson, hindi siya maaaring makibahagi sa anumang hakbang na lalabag sa Sections 71 at 270 ng National Internal Revenue Code (NIRC) at sa umiiral na jurisprudence ng Korte Suprema. Binigyang-diin din niya na maging ang Impeachment Court ay hindi maaaring lumabag sa batas.

“Kung pilit i-unseal without written authority of the President, I will vote against it. That will be my personal vote na gagawin. Kasi ayokong masisi balang araw na part ako ng nag-violate ng batas,” aniya sa panayam sa DZBB radio nitong Linggo.

“Sa akin, malinaw ang aking position na without the written authority from the President, hindi dapat pabuksan. Di ako pro-defense dito. Basta sa akin ini-invoke ko dito ang batas. Maliwanag,” dagdag niya.

Nang tanungin kung maaaring ituring na pagpapakita ng pampulitikang paninindigan ng Pangulo sa impeachment ng Bise Presidente ang pagbibigay nito ng awtorisasyon, sinabi ni Lacson na hindi iyon ang dapat alalahanin ng Impeachment Court.

“That is not my concern. That should not be the concern of the Court. Bahala sila doon, basta sa amin may batas, sundin namin ang batas. Kaya may Rule of Law,” aniya.

Nakatakdang dinggin ng Impeachment Court ngayong linggo ang oral arguments kaugnay ng hiling na magpalabas ng subpoena para sa mga rekord mula sa BIR, Anti-Money Laundering Council (AMLC), at mga bangko.

Nauna nang sinabi ni Lacson na ang paghawak sa income tax return (ITR) records ng Bise Presidente ay dapat nakabatay lamang sa batas at sa umiiral na jurisprudence.

Binigyang-diin niya na dapat lamang payagan ng Impeachment Court ang pagbubukas ng mga rekord kung natugunan ang lahat ng rekisitos ng batas, kabilang ang nakasulat na awtorisasyon ng Pangulo sa ilalim ng Section 71 ng NIRC.

“Maski korte kami, hindi kami pwedeng lumabag sa batas kasi magiging questionable,” aniya. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here