MANILA, Philippines – Namahagi ang National Housing Authority (NHA) ng kabuuang halagang ₱17,840,000.00 bilang tulong-pinansyal sa 596 na pamilyang lubos na napinsala ang mga tahanan dahil sa magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Munisipalidad ng Maasim sa Sarangani Province.
Pinangunahan ni NHA XII Regional Manager Zenaida M. Cabiles ang aktibidad bilang kinatawan ni NHA General Manager Joeben A. Tai sa pamamahagi ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) sa Glan, Sarangani. Kasama niya sa okasyon sina Mayor Victor James B. Yap, Sr., Sarangani Governor Rogelio D. Pacquiao, Vice Governor Danny A. Martinez, at iba pang mga opisyal.
Samantala, sa General Santos City, pinangasiwaan nina NHA XII Regional Manager Cabiles at District Manager Fritzie M. Punzalan, katuwang sina Mayor Lorelie G. Pacquiao at City Councilor Bobby Pacquiao, ang pagkakaloob ng tulong-pinansyal sa ilang pamilyang naapektuhan din ng lindol.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni GM Tai, “Narito kami upang maghatid ng agarang tulong-pinansyal sa inyong mga pamilya na umaasa kaming makatutulong sa pagkukumpuni ng inyong mga nasirang tahanan o sa inyong mga gastusin sa pamilya.
Sa kasalukuyan, nakapaglabas na ang NHA ng kabuuang halagang ₱103,590,000.00 para sa mga pamilyang naapektuhan ng lindol sa Maasim simula noong unang pamamahagi ng EHAP noong Hunyo 18, 2026.
Sa pamamagitan ng EHAP, patuloy na nagbibigay ang NHA ng tulong-pinansyal sa mga pamilyang lubos na napinsala ang tahanan dahil sa mga kalamidad na dulot ng kalikasan o ng tao.
Ang programa ay nagsisilbing isa sa mga pangunahing hakbang ng ahensya sa pabahay matapos ang kalamidad, na nagbibigay ng agarang suporta upang muling maitayo ng mga benepisyaryo ang kanilang mga tahanan at mapabilis ang pagbangon ng komunidad.
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang katatagan laban sa kalamidad at isulong ang inklusibong pagbangon, nananatiling nakatuon ang ahensya sa paghahatid ng mga programang pabahay na tumatagal at mga angkop na hakbang pagkatapos ng kalamidad.
Ito ay ambag sa pagkamit ng mas ligtas, mas matatag, at mas matibay na mga komunidad ng mga Pilipino sa ilalim ng mga layunin ng Bagong Pilipinas.
Ang NHA ay isang attached agency ng Department of Human Settlements and Urban Development. Santi Celario