Naghain si Senador Mark Villar ng Senate Resolution No. 507 na nagbibigay-pugay at pagbati sa Filipina tennis star na si Alexandra “Alex” Maniego Eala bilang pagkilala sa kanyang makasaysayang mga tagumpay at mahalagang ambag sa larangan ng Tennis, gayundin sa pagiging inspirasyon niya sa milyun-milyong Pilipino, lalo na sa ating mga kabataan.
Kinikilala ng resolusyon ang makasaysayang kampanya ni Eala sa 2026 Wimbledon Championships, kung saan siya ang naging kauna-unahang Pilipino na nakapasok sa Round of 16 ng isang Grand Slam singles tournament matapos talunin ang ilan sa pinakamahuhusay na manlalaro sa mundo, kabilang ang defending Wimbledon champion at dating World No. 1 na si Iga Świątek.

“Vamos, Alex! Ang tagumpay mo ay patunay na world-class ang atletang Pilipino. Ang iyong sipag, disiplina, at tiyaga ay nagbibigay-inspirasyon sa ating mga kabataan na mangarap nang malaki at magsumikap upang maabot ang kanilang mga pangarap,” ani Villar.
“Sa bawat panalo mo, mas lalo mong itinataas ang bandila ng Pilipinas at ipinapakita sa buong mundo ang husay at determinasyon ng atletang Pilipino. Higit sa lahat, ipinapaalala mo sa ating mga kabataan na ang tunay na tagumpay ay bunga ng sipag, tiyaga, at determinasyon,” dagdag pa niya.








