MANILA, Philippines – KINUMPIRMA NG Department of Education (DepEd) Cavite Province ang nakakalungkot na pagpanaw ng isang Grade 4 na mag-aaral mula sa Hugo Perez Elementary School-Annex matapos ang isang deworming activity sa loob mismo ng nasabing paaralan.
Sa opisyal na pahayag noong Hulyo 10, sinabi ng DepEd Cavite na labis nilang ikinalulungkot ang sinapit ng mag-aaral at nagpahayag ng pakikiramay sa pamilya.
“The administration of DepEd Cavite Province, in general, and Hugo Perez Elementary School-Annex faculty and staff, in particular, are deeply saddened about the death of a Grade 4 pupil following a deworming activity conducted within the premises of the above-mentioned school,” ayon sa pahayag.
Dagdag pa ng Deped na patuloy silang nakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang awtoridad kaugnay ng insidente. “We are likewise in constant coordination with the proper authorities concerned regarding the unfortunate incident,” dagdag nila.
Iginiit din ng DepEd Cavite na handa silang makipagtulungan sa anumang legal na proseso at imbestigasyon.
“As such, should there be any ensuing legal processes and inquiries… the DepEd Cavite Province officials, employees and personnel, shall not shirk from our responsibilities and sworn duties, and will wholly cooperate,” ayon sa pahayag.
Sa kabilang dako, humihingi naman ng hustisya ang pamilya ng pumanaw na Grade 4 pupil kasunod ng umano’y pagpapainom sa kanya ng gamot na pampurga (deworming) ng kanyang titser.
Ayon sa ina ng biktimang si Rex Mission, 8-anyos, Grade 4 pupil ng Hugo Perez Elementary School Annex sa Trece Martires City, Cavite na noong Hulyo 2, 2026 ay nagkaroon umano ng “free purga” sa eskwelahan bilang bahagi ng school deworming program.
Bagama’t pumirma sila sa waiver para sa naturang programa ay nagtataka sila kung bakit ang mismong guro ang nagbigay ng gamot sa bata, gayong sa mga nakaraang taon ay ang mga magulang ang nagpapainom nito sa kanilang mga anak.
Pag-uwi ni Rex sa kanilang bahay ay dumaing ito matinding pananakit ng ulo, tiyan at paulit-ulit na pagsusuka.
Nang tanungin ng kanyang ina kung ano ang nangyari ay sinabi ng bata na pinainom siya ng kanyang class adviser ng gamot na pampapurga.
Mabilis ding tumaas ang lagnat ng biktima at nagdugo rin ang ilong nito at isinugod sa pagamutan, ngunit kinabukasan, Hulyo 3 ay tuluyan na itong binawian ng buhay.
Sinisisi ng ina ang gurong nagpainom ng gamot dahil batid umano nitong may iniindang karamdaman ang bata ngunit itinuloy pa rin ang pagpapainom ng pampapurga.
Humiling ang pamilya sa National Bureau of Investigation (NBI) na maisailalim sa autopsy ang labi ng bata upang matukoy ang tunay na sanhi ng pagkamatay at mapanagot ang may kagagawan. KRIS JOSE