MANILA, Philippines – Sinabi ng House prosecution panel na hindi nila iniintindi ang lawak ng suporta o impluwensya sa politika ni Vice President Sara Duterte habang nagpapatuloy ang kanyang impeachment trial sa Senado.
Ayon kay House prosecution spokesperson Robert Ace Barbers, ang kanilang pangunahing layunin ay maipakita ang mga ebidensya at testimonya na sumusuporta sa kaso laban sa bise presidente.
Aniya, mahalagang maunawaan ng publiko ang proseso ng paglilitis at ang bigat ng mga ebidensyang inihaharap upang makabuo sila ng sariling pananaw.
Naniniwala rin si Barbers na kapag naipresenta nang maayos ang mga ebidensya, makikita ng publiko at ng mga senator-judges ang katotohanan at makagagawa ng pasya batay sa mga ito.
Patuloy ang impeachment trial, kung saan maaaring matanggal sa puwesto at madiskuwalipika sa pagtakbo sa halalan si Duterte kung mapatunayang nagkasala. RNT/MDS