MANILA, Philippines – Naniniwala si Dr. Jose Antonio Ejercito Goitia na panahon na upang palawakin ang ugnayan ng Pilipinas at Saudi Arabia mula sa tradisyunal na labor deployment at remittances tungo sa mas malalim na kooperasyon sa pamumuhunan, kalakalan, enerhiya, food security, at human capital development sa ilalim ng Saudi Vision 2030.
Sa isang eksklusibong panayam sa pahayagang Okaz, sinabi ni Goitia na nagsilbing matibay na pundasyon ng relasyon ng dalawang bansa ang tiwala na nabuo sa loob ng maraming dekada sa pamamagitan ng ambag ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa pag-unlad ng Saudi Arabia.
Ayon sa kanya, panahon na upang gamitin ang matatag na ugnayang ito sa paglikha ng mas maraming oportunidad para sa mga negosyo at mamumuhunan ng parehong bansa.







