Home NATIONWIDE PBBM, bumisita sa Camiguin General Hospital, pagpapatupad ng Zero Balance Billing, sinuri

PBBM, bumisita sa Camiguin General Hospital, pagpapatupad ng Zero Balance Billing, sinuri

3
0

MANILA, Philippines – Binisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. , araw ng Lunes ang Camiguin General Hospital upang tiyaking nakatatanggap ang mga mamamayan ng libre o abot-kayang serbisyong pangkalusugan.

Sa kanyang pagbisita, ininspeksyon ng Pangulo ang operasyon ng emergency room at internal medicine ward ng ospital.

Sinuri rin niya kung paano ipinatutupad ang Zero Balance Billing (ZBB) upang matiyak na walang babayarang gastusin ang mga kuwalipikadong pasyente.

Bahagi ang pagbisitang ito ng Pangulo ng patuloy na pagsisikap ng administrasyon na tugunan ang mga suliranin sa sistema ng kalusugan sa bansa, kabilang ang kakulangan ng access sa mahahalagang serbisyong medikal, lalo na sa mga liblib at mahihirap na lugar, at ang mataas na gastos sa pagpapagamot na direktang binabayaran ng mga pasyente.

Matatandaang inatasan ng Pangulo ang Department of Health (DOH), sa pakikipagtulungan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at PhilHealth, na palakasin ang mas direkta at mas episyenteng paghahatid ng serbisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng pinagsama-samang primary care providers at healthcare networks.

Mula Hulyo 2025 hanggang Mayo 2026, gumastos ang pamahalaan ng PhP67 bilyon upang pondohan ang pagpapagamot ng 2.76 milyong pasyente sa ilalim ng Zero Balance Billing scheme.

Simula ngayong buwan, ipinatutupad na rin ang ZBB sa mga lokal na ospital sa mga lalawigan ng Sarangani, Laguna, Aklan, Bataan, Batangas, at Quezon.

Mula naman Enero hanggang Mayo ngayong taon, 1.3 milyong pasyente ang nakinabang sa Medical Assistance to Indigents and Financially Incapacitated Patients Program (MAIFIP).

Patuloy ding isinusulong ng administrasyon ang iba pang programang pangkalusugan tulad ng Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP), kung saan 26.10 milyong Pilipino na ang nakarehistro sa 4,374 YAKAP providers sa buong bansa.

Samantala, angĀ  isa pang proyekto na Bagong Urgent Care and Ambulatory Service (BUCAS) Centers ay nakapagbigay na ng serbisyo sa 2.07 milyong pasyente mula Marso 2024 hanggang Hunyo 2026.

Sa kasalukuyan, may 63 BUCAS Centers na sa buong bansa.

Ang Camiguin General Hospital, na matatagpuan sa Mambajao, Camiguin, ay isang Level 1 General Hospital sa ilalim ng DOH. Mayroon itong 105-bed capacity at 593 health personnel.

Nagbibigay ang ospital ng outpatient at inpatient services, kabilang ang general surgery, orthopedics, obstetrics, at gynecology. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here