MANILA, Philippines – Inatasan kaagad ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili ang Caloocan City Police Station na magsagawa ng imbestigasyon, kaugnay sa nag-viral sa social media na video ng mga menor-de-edad na lalaki na ipinangangalandakan ang hawak na baril at patalim habang nagmumura at may binabanggit na pangalan na nangyari kamakailan sa Barangay 12, Caloocan City.
Sa inilabas na kalatas ng Caloocan Police Station, nakasaad na batay sa kanilang pakikipag-ugnayan sa mga magulang ng mga menor-de-edad na lalaki, kagagawan umano ng isang indibiduwal na nananakot at humihingi ng pera sa kanila, kapalit na hindi pagpo-post sa online ng naturang video.
Bukod sa pamilya ng mga kabataan, pinulong din ng kapulisan ang mga opisyal ng Barangay 12 sa Dagat-dagatan upang matiyak ang kaligtasan ng mga menor-de-edad at maiwasan ang paglala ng sitwasyon.
Inireport na rin ni Col. Joey Goforth, hepe ng Caloocan police kay BGen. Capili na kontrolado na sa ngayon ang sitwasyon habang sinisiyasat pa nila ang umano’y ginagawang pananakot at pangingikil ng nag-upload umano ng video sa pamilya ng mga menor-de-edad para sa posibleng pagsasagawa ng legal na aksiyon.
Nagbabala din ang pulisya sa publiko na iwasang ipakalat o i-share pa ang hindi beripikadong impormasyon at hayaan silang pangasiwaan ang ganitong uri ng insidente na nababatay sa umiiral na batas. (Merly Duero)