MANILA, Philippines – Sinabi ng kampo ni Vice President Sara Duterte na maghahain sila ng mga testigo upang patunayan ang umano’y “Operation Romanov,” na sinasabing plano laban sa kanya at sa pamilya Duterte.
Sa ikaapat na araw ng impeachment trial, sinabi ng abogado ni Duterte na si Mark Vinluan na bahagi ng kanilang ebidensya ang mga testigong magpapatunay sa naturang operasyon.
Nang tanungin kung kabilang si vlogger Princess Maui bilang testigo, sinabi ni Vinluan na nakadepende ito sa magiging takbo ng paglilitis at sa mga ebidensyang ihaharap ng prosekusyon.
Nauna nang sinabi ng depensa na ang pahayag ni Duterte tungkol sa umano’y pagkuha ng tao para patayin sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez ay isang “hindi pangkaraniwan ngunit makatarungang” tugon sa umano’y mga banta laban sa kanya at sa kanyang pamilya, kabilang ang sinasabing Operation Romanov. RNT/MDS