LAGUNA, Philippines – Dalawang hinihinalang big-time drug trafficker ang naaresto sa buy-bust operation sa San Pablo City, Laguna noong Linggo ng gabi.
Kinilala lamang sila sa mga alyas na “Ket” at “Vincent.” Nahuli sila matapos umanong magbenta ng ₱10,000 halaga ng shabu sa isang pulis na nagpanggap na buyer sa Barangay II-E.
Nasamsam sa kanila ang 105 gramo ng hinihinalang shabu na nakalagay sa limang plastic sachet at tinatayang nagkakahalaga ng ₱714,000.
Ayon sa pulisya, kabilang ang dalawa sa mga high-value individual (HVI) sa drug watch list, na tumutukoy sa mga financier, trafficker, manufacturer, importer, o miyembro ng sindikato ng iligal na droga.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang mga suspek at haharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. RNT/MDS