COTABATO CITY — Mahigit 516,000 residente sa tatlong lalawigan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang naapektuhan ng malawakang pagbaha dulot ng malalakas na pag-ulang dala ng Typhoon Inday at southwest monsoon o habagat, ayon sa mga opisyal nitong Lunes.
Sinabi ni Bangsamoro Rapid Emergency Action on Disaster Incidence (READi) director Muhammad Farzieh Abutazil na 103,218 pamilya, o 516,090 indibidwal, ang naapektuhan sa Maguindanao del Sur, Maguindanao del Norte, at Lanao del Sur.
Batay sa datos ng BARMM-READi hanggang Hulyo 13, pito ang kumpirmadong nasawi, lima ang nawawala, at lima ang nasugatan. Lahat ng nasawi ay mula sa Calanogas, Lanao del Sur.
Umabot sa 328 barangay sa rehiyon ang naapektuhan ng pagbaha. Hindi bababa sa 5,107 pamilya ang nananatili sa 37 evacuation center sa tatlong lalawigan sa mainland Mindanao, habang marami pang lumikas ang nakikituloy sa kanilang mga kamag-anak.
Iniulat din ng BARMM-READi na 33 bahay ang tuluyang nawasak habang 114 ang bahagyang nasira.
Sa Lanao del Sur, pinagana ng Integrated Provincial Health Office ang Health Emergency Alert Reporting System at nagdeploy ng Emergency Health Response Teams sa mga apektadong komunidad.
Sinabi ni IPHO-Lanao del Sur head Dr. Alinader D. Minalang na agad silang nagpadala ng quick response team sa Calanogas kasunod ng landslide na ikinasawi ng pitong katao.
Kabilang sa mga apektadong bayan sa Lanao del Sur ang Balabagan, Calanogas, Kapatagan, Malabang, Masiu, Marogong, Picong, at Sultan Dumalondong. Mary Anne Sapico