MANILA, Philippines — Muling sasalubong sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo ang mga motorista sa Martes, Hulyo 14, sa pangunguna ng ₱4.60 kada litrong dagdag-presyo sa diesel.
Inanunsyo ng Shell Pilipinas na epektibo alas-6 ng umaga, tataas ng ₱1 kada litro ang gasolina, ₱4.60 kada litro ang diesel, at ₱2.30 kada litro ang kerosene.
Nauna nang tinaya ng Department of Energy (DOE) na maaaring magkaroon ng rollback na ₱1 kada litro hanggang dagdag-presyong ₱1 kada litro sa gasolina.
Inaasahan din ng ahensya ang pagtaas ng diesel ng ₱2.62 hanggang ₱4.62 kada litro at kerosene ng ₱2.22 hanggang ₱4.22 kada litro.
Naganap ang panibagong oil price hike sa gitna ng mataas na presyo ng langis sa pandaigdigang merkado kasunod ng pag-atake ng US at Israel sa Iran, na itinuturong dahilan ng pagsirit ng inflation sa Pilipinas mula noong Marso.
Ayon sa mga analyst, kahit inaasahang bumalik sa normal ang pagdaan ng mga oil shipment sa Strait of Hormuz, maaaring abutin pa ng ilang buwan bago bumalik ang presyo ng petrolyo sa antas bago sumiklab ang digmaan sa Middle East.
Bumagal sa 6.4 porsiyento ang inflation noong Hunyo kasabay ng pagbaba ng presyo ng langis.
Gayunman, sinabi ni National Statistician Dennis Mapa na maaari pa ring makaapekto sa inflation ang sigalot sa Middle East dahil nananatiling malaking bahagi ng inflation rate ang gastos sa transportasyon. Dave Baluyot