Home HOME BANNER STORY Mula -15, satisfaction rating ni Marcos umangat sa -7

Mula -15, satisfaction rating ni Marcos umangat sa -7

4
0

MANILA, Philippines — Umangat sa -7 noong Hunyo 2026 mula -15 noong Marso ang net satisfaction rating ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ngunit nanatili ito sa negatibong antas, ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).

Batay sa non-commissioned survey, 46 porsiyento ng mga nasa hustong gulang na Pilipino ang nasisiyahan sa pagganap ni Marcos, 39 porsiyento ang hindi nasisiyahan, at 15 porsiyento ang undecided. Inuri ng SWS bilang “neutral” ang iniulat na -7 net satisfaction score ng Pangulo.

Kumpara noong Marso, tumaas ang bilang ng mga nasisiyahan sa Pangulo habang bumaba ang mga hindi nasisiyahan.

Umakyat ang rating ni Marcos sa lahat ng lugar. Pinakamataas ito sa Balance Luzon na may “moderate” +11, sinundan ng Visayas na may “neutral” -3, Metro Manila na may “poor” -24, at Mindanao na may “bad” -35.

Mula noong Marso, tumaas nang siyam na puntos ang rating ng Pangulo mula +2 sa Balance Luzon, 12 puntos mula -15 sa Visayas, pitong puntos mula -31 sa Metro Manila, at limang puntos mula -40 sa Mindanao.

“Compared to March 2026, President Marcos’ net satisfaction rating rose by 7 points from neutral -9 to neutral -2 in rural areas, and by 8 points from poor -20 to poor -12 in urban areas,” ayon sa SWS.

“Compared to March 2026, net satisfaction with President Marcos rose from poor to neutral among women, up by 8 points from -15 to -7, and among men, up by 9 points from -16 to -7.”

Tinanong din sa survey kung pinaglilingkuran ni Marcos ang interes ng mayayaman, middle class, o mahihirap.

Apatnapu’t tatlong porsiyento ang nagsabing pinaglilingkuran ng Pangulo ang interes ng mayayaman, habang 35 porsiyento ang nagsabing para sa mahihirap at 25 porsiyento naman para sa middle class.

Halos hindi nagbago ang porsiyento ng mga nagsabing pinaglilingkuran ni Marcos ang mayayaman mula sa 42 porsiyento noong Nobyembre 2025. Patuloy itong tumaas mula 23 porsiyento noong Disyembre 2022 patungong 31 porsiyento noong Marso 2023 at Setyembre 2024.

Isinagawa ang Second Quarter 2026 SWS survey mula Hunyo 20 hanggang 29 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 adultong respondent sa buong bansa. Tig-300 respondent ang kinuha mula sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao.

May sampling error margin ang survey na ±3 percentage points para sa pambansang resulta at ±6 percentage points para sa bawat geographic area. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here