Home OPINION SUSPENSYON LANG BA KATAPAT NG AKUSASYONG RAPE?

SUSPENSYON LANG BA KATAPAT NG AKUSASYONG RAPE?

2
0

LUBHANG nakababahala ang reklamong iniharap ng isang teenager sa Lawyers for Commuters Safety and Protection laban sa isang Transport Network Vehicle Service driver na inakusahan niyang nanghalay sa kanya sa loob mismo ng sasakyang kanyang ibinook.

Ang insidente ay naganap umano noong Mayo 8, 2026 sa Quezon City at naidulog na sa Quezon City Prosecutor’s Office para sa kaukulang imbestigasyon at pag-usad ng kaso.

Mariing itinatanggi ng driver ang paratang at iginiit na walang sapilitang nangyari. Bilang isang lipunang naniniwala sa rule of law, nararapat lamang na igalang ang due process at hayaang ang mga ebidensiya ang magsalita sa tamang forum. Ngunit hindi rin nangangahulugan na dapat maliitin o ipagsawalang-bahala ang reklamo ng isang umano’y biktima ng isang napakabigat na krimen.

Ang higit na dapat pagtuunan ng pansin ay ang naging tugon ng Transport Network Company. Kung totoo na ang agarang hakbang ay suspensyon lamang ng driver, sapat na ba iyon sa bigat ng paratang?

Nagkaroon ba ng masusing internal investigation? Nakipag-ugnayan ba agad sa mga awtoridad? O hanggang administrative action lamang ang kanilang naging tugon?

Hindi dapat nakuntento ang TNC sa simpleng pagsuspinde kung may seryosong alegasyong kriminal na nakaaapekto sa kaligtasan ng publiko. May pananagutan silang tiyaking ligtas ang bawat pasaherong sumasakay sa kanilang platform.

Ang tiwalang ibinibigay ng publiko sa TNVS ay nakasalalay hindi lamang sa bilis ng serbisyo kundi, higit sa lahat, sa seguridad ng kanilang mga pasahero.

Marangal ang hanapbuhay ng libo-libong TNVS drivers na araw-araw ay tapat na naghahanapbuhay. Hindi sila dapat madungisan ng iilang indibidwal na posibleng lumabag sa batas. Subalit kung mapatutunayang nagkasala ang isang driver, nararapat lamang na maharap siya sa buong bigat ng batas.

At kung mapapatunayang nagkulang ang TNC sa kanilang screening, accreditation, o paghawak sa reklamo, dapat ding managot ang kompanya.

Ang usapin dito ay hindi lamang isang reklamo ng rape. Usapin ito ng tiwala, pananagutan, at kaligtasan ng bawat Pilipinong naniniwalang makararating silang ligtas sa kanilang destinasyon.

Sa ganitong mga kaso, hindi sapat ang suspensyon lamang. Ang nararapat ay isang mabilis, patas, transparent, at walang kinikilingang proseso upang manaig ang hustisya at para sa nagrereklamo, sa inaakusahan, at sa sambayanang umaasa ng ligtas na pampublikong transportasyon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here