Home METRO P10.15-M marijuana resin at kush, nasabat ng BOC sa Clark

P10.15-M marijuana resin at kush, nasabat ng BOC sa Clark

4
0

MANILA, Philippines – TINATAYANG nasa higit P10.15 milyon halaga ng marijuana resin at high-grade marijuana o “kush” ang nasabat ng Bureau of Customs (BOC) mula sa apat na shipment sa Port of Clark, katuwang ang Clark Inter-Agency Task Force Against Illegal Drugs (CRK-IATFAID).

Ayon sa BOC, natukoy ang mga shipment matapos makatanggap ng derogatory information mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), dahilan upang isailalim ang mga ito sa masusing inspeksyon.

Dalawa sa mga shipment ay nagmula sa California, USA at dumating noong Hulyo 1. Ang mga ito ay nakapangalan sa mga tatanggap sa Caloocan City at Valenzuela City at idineklarang “Custom Printed Wedding Photo” at “Letter Notebook.”

Sa isinagawang physical examination noong Hulyo 3, natuklasan sa bawat shipment ang tig-dalawang pouch ng hinihinalang marijuana resin na may kabuuang timbang na 1,618 gramo at tinatayang halaga na ₱2.427 milyon.

Samantala, dalawa pang shipment mula sa Thailand ang dumating noong Hulyo 3 at nakapangalan sa iisang consignee sa Taguig City. Idineklara ang mga ito bilang “Used Clothing.”

Sa inspeksyon noong Hulyo 6, natuklasan ang tig-apat na plastic bag ng hinihinalang high-grade marijuana o “kush” sa bawat shipment na may kabuuang timbang na 5,142 gramo at tinatayang halaga na ₱7.723 milyon.

Bago ang pagbubukas ng mga package, dumaan ang lahat ng shipment sa X-ray scanning at K-9 sniff test na kapwa nagbigay ng positibong indikasyon ng presensya ng ilegal na droga. Kinumpirma rin sa paunang pagsusuri gamit ang Rigaku spectrometer ang presensya ng cannabinoids bago isinailalim sa confirmatory laboratory examination ng PDEA.

Naglabas ang BOC ng Warrants of Seizure and Detention (WSD) laban sa apat na shipment dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act at Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Binigyang-diin ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno na madalas gamitin ng mga smuggler ang air express shipments kaya patuloy na pinalalakas ng ahensya ang kakayahan ng mga Customs personnel.

Pinuri naman ni Port of Clark District Collector Jairus S. Reyes ang koordinasyon ng BOC at iba pang law enforcement agencies sa pagpigil sa pagpasok ng ilegal na droga sa bansa.

Ayon sa BOC, bahagi ito ng pinaigting na kampanya ng ahensya sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang higpitan ang seguridad sa hangganan at sugpuin ang drug smuggling sa bansa. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here