MANILA, Philippines – Inaasahang ipagpapatuloy ngayong Martes ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang pagtatanong kay NBI Regional Director Jeremy Lotoc sa pagpapatuloy ng impeachment trial.
Tinututukan sa Article 4 ang umano’y pagbabanta ni Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez.
Sa pagdinig noong Lunes, itinuro ng depensa ang ilang umano’y pagkakamali at hindi tugmang petsa sa mga dokumento ng NBI. Ayon kay UP law expert Paolo Tamase, maaaring gamitin ito ng depensa upang kuwestiyunin ang kredibilidad at pagiging maayos ng imbestigasyon.
Gayunman, sinabi ng tagapagsalita ng prosekusyon na si Benjamin Tolosa Jr. na ang mga ito ay mga minor typographical errors lamang at hindi nakaapekto sa resulta ng imbestigasyon. Aniya, maaaring linawin ang mga isyung ito sa susunod na pagdinig.
Iginiit din ng prosekusyon na hindi nabago ng mga pagkakamali sa dokumento ang nilalaman ng mga pahayag ni Duterte o ang naging konklusyon ng imbestigasyon. RNT/MDS