Home NATIONWIDE Myanmar aid mission, pamumunuan ni ASEAN special envoy Lazaro

Myanmar aid mission, pamumunuan ni ASEAN special envoy Lazaro

1
0

MANILA, Philippines – Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro, bilang special envoy ng ASEAN chair, ay nakatakdang pamunuan ang isang humanitarian mission sa Myanmar sa huling bahagi ng 2026 upang mapalawak ang paghahatid ng tulong sa mga lugar na apektado ng labanan.

Inanunsyo ito ng Department of Foreign Affairs (DFA) matapos ang serye ng pulong ni Lazaro sa Thailand noong Hulyo 12 at 13 kasama ang mga foreign minister ng ASEAN at iba pang kinatawan ng Myanmar.

Nakipagpulong din si Lazaro kay Myanmar Foreign Minister U Tin Maung Swe upang talakayin ang pagpapatupad ng Five-Point Consensus (5PC) at ang mga hakbang para maibalik ang normal na ugnayan ng Myanmar sa ASEAN.

Sa pagpupulong ng mga foreign minister ng ASEAN, muling iginiit na nananatiling mahalagang gabay ang 5PC sa paghahanap ng mapayapang solusyon sa krisis sa Myanmar. Sinabi rin ni Lazaro na nananatiling mahalagang bahagi ng ASEAN ang Myanmar.

Ito ang unang harapang pagpupulong ng mga foreign minister ng ASEAN at Myanmar mula noong 2021.

Noong Hulyo 13, nakipagpulong din si Lazaro sa mga kinatawan ng mga armadong grupo at peace negotiators ng Myanmar upang talakayin ang isang mas inklusibong usapang pangkapayapaan. Ayon sa DFA, nagpahayag ang lahat ng panig ng kahandaang ipagpatuloy ang dayalogo at maingat na paghahanda para sa proseso ng kapayapaan. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here